NEWS

DILG inatasan ang mga barangay officials na magpatupad ng sapat na health protocols sa kanilang pamayanan

June 23, 2020

Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga barangay sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19, hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay officials na maging maagap sa pagpapatupad ng mga minimum health protocols sa kanilang mga pamayanan.

Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na dapat gumawa ng mga hakbang ang mga barangay na magsusulong sa kalusugan at kaligtasan, kapayapaan at kaayusan, at mapangalagaan ang katiwasayan at kaginhawahan ng kanilang nasasakupan, lalo na sa panahon ng public health emergency. Ito raw ay ayon sa Section 16 o General Welfare Clause ng Local Government Code.

Sa lebel ng komunidad talaga ang tunay na laban sa COVID-19. Maaari lamang silang gabayan ng pambansang pamahalaan ngunit sila ang nasa baba at malapit sa mga tao. Kaya malaki ang responsibilidad ng mga barangay sa pagpapatupad ng minimum health standards,” paliwanag ni Año.

Sa pamamagitan ng Office of Undersecretary for Barangay Affairs Martin B. Diño, naglabas ang DILG ng isang advisory na nagpapaalala sa mga punong barangay sa buong bansa na bantayan ang pagsunod ng kanilang mga nasasakupan sa pagsusuot ng face mask, sa physical distancing, sa madalas na paghuhugas ng kamay at sa sapat na supply ng sanitizer, malinis na tubig at sabon. Inatasan rin ang mga barangay na huwag payagan ang pagtitipon ng maraming tao o pagkain ng sabay-sabay sa mga communal areas.

Maliban dito, hinimok ng DILG ang mga opisyal ng barangay na regular na linisin at i-disinfect ang kanilang tanggapan.

Dapat din nilang bawasan ang mga dadalo sa kanilang mga meeting at session. Pinapayuhan silang gumamit ng mga digital platforms tulad ng video conferencing upang hindi magdikit-dikit ang kanilang mga tauhan.

Idiniin ni Año na dapat “magpakita ng mabuting halimbawa ang mga opisyal. Sumunod muna sila bago magpasunod ng iba.”

Ipapasa ng mga DILG Regional Offices sa Central Office ang listahan ng mga opisyal ng barangay na hindi susunod sa mga patakaran ukol sa COVID-19.

Kasama dito ang mahusay na pagtupad ng mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) at Barangay Public Safety Officers sa kanilang tungkulin bilang mga kasapi ng Contact Tracing Team (CTT).

Ibinilin din sa mga barangay na walang bayad na hihingin kapalit ng barangay certification na gagamitin sa anumang may kinalaman sa COVID-19.

Sinabi ni Año na ang lahat ay dapat sumunod sa batas at patuloy na magsasampa ng kaso ang DILG laban sa mga lumalabag sa quarantine protocols. Noon lamang June 18, inirekomenda ng Kagawaran sa Office of the Ombudsman ang pagpataw ng disciplinary action sa 20 punong barangay sa Metro Manila.

Kayo ang mga lider ng inyong mga komunidad. Paano kayo susundin ng mga tao kung kayo ang nauunang sumuway? May mga na-sampolan na po tayo, ‘wag na po sana tayong dumagdag sa problema ng bayan,” pagtatapos niya.