NEWS

ADVISORY

DILG inatasan ang mga LGUS na tulungang masanay ang mga public schools sa new normal

July 1, 2020

Hinikayat ng The Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na tulungan ang mga pampublikong paaralan na kanilang nasasakupan na masanay sa new normal, at gamitin ang Special Education Fund (SEF) bilang suporta sa local na implementasyon ng Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) ng Department of Education (DepEd).

Hinimok ng tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya ang mga local chief executives (LCEs) na pulungin ang kanilang mga local school board (LSB) upang pag-usapan kung alin sa mga bagong learning modalities na itinakda ng DepEd ang maaari nilang gamitin sa kanilang lugar at para mabigyan ng kaukulang suporta ang kanilang mga guro at mag-aaral.

“Sa isang krisis, kalilangan natin lahat ng tulong na ating makukuha, at ang SEF ay tulong na itinatadhana ng ating batas para sa pagpapanatili ng matibay na pundasyon at kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Hinihikayat natin ang LGUs na gamitin ito ngayong malaki ang kinakaharap na pagsubok ng ating sektor ng edukasyon,” ayon kay Malaya na isang dating education assistant secretary.

Upang maipatupad ito, dapat pulungin at pakilusin ng mga local government units (LGU) ang kanilang mga LSB para sa agarang alokasyon ng pondong ito,” dagdag pa niya.

Hinikayat din niya ang mga LGU na tumulong sa proseso ng enrollment sa pamamagitan ng pagpapatayo ng kiosk o center sa barangay para sa pamamahagi at pagkolekta ng enrollment forms ng mga estudiyante sa mga public schools sa kanilang lugar; at tulungan din ang mga paaralan sa paghahatid at pagsasauli ng mga printed modules mula sa mga tirahan ng mga mag-aaral.

Ayon sa Local Government Code, ang LSB ay isang grupong nilikha sa lalawigan, lungsod o munisipyo na nagtatakda ng supplementary budgetary allocation na maibibigay ng LGU para sa pagpapatakbo at pagpapanatiling maayos ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay Malaya, ang suporta ng mga LSB sa mga public school ay malaking tulong sa pagpapatupad ng BE-LCP sa taong ito, “na mas challenging kaysa sa nakaraan. Maaaring marami tayong inaasikaso pero hindi natin kailanman dapat kalimutan ang edukasyon ng ating mga kabataan.”

Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular 2020-096, hinikayat ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang mga LCE na agad pulungin ang kanilang mga LSB upang matukoy at mabahagi ang kailangang mga supplemental budget, tulad ng SEF, para sa lokal na pagpapatupad ng BE-LCP.

Ayon sa Section 272 of the Local Government Code, ang kikitain sa isang porsiyentong dagdag na real property tax para sa SEF ay agad ilalabas sa mga LSB.

“Mga dalawang buwan na lang ay pasukan na, kaya ngayon pa lang, kailangan nang pulungin ang mga LSB upang maghatid ng tulong sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya, sa mga guro at non-teaching personnel ng mga public elementary at high school, sa mga alternative learning centers at mga tanggapan ng DepEd sa buong bansa,” aniya.

Dapat ding payuhan ng mga LSB ang mga Sanggunian Committee on Education tungkol sa mga local appropriations na pang-edukasyon, at pag-usapan ang mga learning modality na naaangkop sa kalagayan ng kanilang lugar at naaayon sa mga IATF-MEID guidelines, at paano ihahanda ang delivery modalities ng mga mga guro at
mga punong guro.

Pagsuporta ng mga LGU sa BE-LCP

Noon pa man, hinimok na ni Año ang mga LGU na maging kaagapay sa pagpapatupad ng Oplan Balik Eskwela at BE-LCP, “at maging mas malikhain sa pagtulong sa mga paaralan at mga estudiyante na masanay sa bagong learning environment sa ilalim ng new normal.”

“Sa pagpapatupad ng 2020 Brigada Eskwela at OBE, inaatasan ko ang mga LGU at mga barangay na alalayan ang mga paaralang kanilang nasasakupan na masanay sa mga bagong paraan ng pagtuturo,” dagdag pa niya.

Maaari ding mag-donate ang mga LGU ng mga learning resources tulad ng mga laptop, desktop, tablet PC, tablet, smartphone at internet services sa mga public school teachers at mga mag-aaral “upang masiguro na kalidad na edukasyon ay makakamit sa kabila ng mga balakid na dulot ng COVID-19.”

Muli niyang binilin na ang mga ito ay dapat naaayon sa mga minimum specifications para sa mga ICT equipment at internet service na itinakda ng DepEd at nakalista rin sa isang memorandum na inilabas ng DILG noong Hunyo 11.