NEWS

DILG inatasan ang mga LGU na suportahan ang fisheries management areas

October 19, 2020

Upang matiyak ang patuloy na pamamahala ng mga baybayin at yamang dagat sa buong bansa, nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government unit (LGU) lalo na ang mga nasa baybayin, na suportahan ang pagtatakda at pamamahala ng 12 fisheries management areas (FMA) sa buong bansa.

Ang FMA ay paghahati-hati ng karagatan ng Pilipinas upang mapamahalaan nang maayos ang pangingisda (fisheries) sa bawa’t bahagi. Nagtakda ng 12 FMA ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na kinabibilangan ng mga magkakatabing rehiyon na may parehong baybayin.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, ang pagpapanatili at pamamahala ng mga yamang dagat, kabilang ang baybayin at pangingisda, katulad ng ibang tungkulin ng pamahalaan, ay di dapat huminto sa kabila ng krisis sa COVID-19. Ang mga LGU ang dapat manguna sa pamamahala ng kanilang mga baybayin at karagatan para sa pakinabang ng lahat, dagdag pa niya.

“Ang pagtatatag ng mga FMA ay naaayon sa batas at ang mga LGU ay matagal nang naatasang protektahan at patagalin ang buhay ng mga likas na yaman, kabilang na ang mga baybaying dagat,” ani Año.

“Inaasahan po natin ang pangunguna ng ating mga LGU sa pagtiyak na ang mga FMA sa bansa ay napapangalagaan,” ayon sa kalihim.

Nauna nang naglabas ng Fisheries Administrative Order No. 263, s. 2019 ang Department of Agriculture (DA), na nagsusulong sa paglikha ng mga FMA na aktibo at nasasailalim sa isang pamunuan.

Bilang pagsuporta sa direktiba ng DA, inilabas ni Año ang DILG Memorandum Circular 2020-121 na nag-uutos sa mga LGU na lumahok sa multi-sectoral management board at makiisa sa ibang mga sector upang matiyak na maayos na mapamahalaan ang mga yamang dagat at mga isda sa loob ng mga FMA.

Isa o ilan sa mga local chief executive (LCE) ng mga LGU ay magiging co-chair ng nasabing management board, kasama ng BFAR Regional Fisheries Office.

“Ang mga yamang dagat at isda ay mga aspeto ng lokal na pamamahala na tumatawag sa pansin ng mga LGU, at kung may kinatawan ang mga LGU sa FMA management board, matitiyak natin na ang mga bayan sa coastal areas ay may katuwang sa pangangalaga sa mga resources nito,” ani Año.

Ang 12 FMA ay kinabibilangan ng mga rehiyong ito: Region 2, 3, 4A, at 5 sa FMA 1; Region 8, 13 at 11 sa FMA 2; Region 12, 9 at BARMM sa FMA 3; Region 6, 7, 9, at BARMM sa FMA 4; Region 4B at 6 sa FMA 5; Region 1, 3, 4A, 4B at NCR sa FMA 6; Region 4A, 5, at 8 sa FMA 7; Region 8 at 13 sa FMA 8; Region 7, 8, 9, 10, at 13 sa FMA 9; Region 7, at 8 sa FMA 10; Region 5, 6, 7, at 8 sa FMA 11; at Region 4A, 4B, 5, at 6 sa FMA 12.

Fisheries management plan

Hinikayat ni Año ang mga LGU na lumahok sa pagpaplano ng FMA Ecosystem Approach to Fisheries Management (EAFM) Plan o EAFM Framework na maglalatag ng mga polisiya at pagkilos ng mga FMA na ipapatupad ng mga LGU at BFAR field office sa loob ng FMA.

“Ang EAFM Plans ay ang pagsasalin sa mga layunin at direksiyon ng FMA sa panlokal na aksiyon, kaya hinihiling natin ang masiglang pakikiisa ng mga pamahalaang lokal para ito ay mabuo,” pagtatapos ng kalihim.