NEWS

DILG inatasan ang PNP na imbestigahan at dakpin ang mga tiwaling opisyal hinggil sa pamamahagi ng SAP

May 5, 2020

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na bilisan ang imbestigasyon sa mga napaulat na anomalya sa pamimigay ng SAP katulad ng hatian o hindi pagbibigay ng tamang ayuda kasunod ng pag-aresto at pagkulong sa isang barangay kagawad na binulsa ang higit sa kalahati ng pera mula sa Social Amelioration Program (SAP) para sa mga mahihirap na pamilya sa Hagonoy, Bulacan.

Nag-alok din si Pangulong Duterte ng gantimpala na P30,000 para sa taong makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pag-aresto ng mga corrupt na opisyal.

"Inuutusan ko ang lahat ng PNP sa buong bansa at hinihikayat ko din ang National Bureau of Investigation (NBI) na bigyan ng prayoridad ang imbestigasyon sa mga kaso ng graft at corruption laban sa mga tiwaling lokal na opisyal sa pamimigay ng ayuda na SAP. Walang puwang sa gobyerno ang mga sakim at korap na opisyal. Nagdadala sila ng nakamamatay na virus na sumisira sa tiwala ng mga mamamayan," sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año kasunod ng kanyang pagkadismaya sa napaulat na pangyayari sa Hagonoy na nakita sa video.

Sinabi pa ni Año na ang iligal na gawain ni Barangay Kagawad Danilo Flores, 66, ng Barangay San Agustin, Hagonoy, Bulacan ay kahiya-hiya lalo na sa isang public official na siyang dapat tumutulong sa mga mahihirap na pamilya ngayong may krisis sa Covid-19.

"Nakakahiya! Ang SAP ay kinuha mula sa kaban ng bayan bilang ayuda sa mga salat sa buhay at walang kabuhayan sa gitna ng Covid-19 crisis. Hindi ito dapat ibulsa ng sinumang opisyal ng lokal na gobyerno," dagdag pa nito.

Nahuli si Flores sa video kung saan sinasabihan niya ang mga SAP financial aid recipients na sila ay makatatanggap lang ng P3,000 cash at ang natitirang P3,500 ay ibibigay sa alkalde ng bayan para ipamigay sa mga walang nakuhang benepisyo mula sa SAP. Ito naman ay itinanggi ni Hagonoy Mayor Raulito Manlapaz.

Ang naturang video ay naging viral sa social media kung kaya't ang tauhan ng DSWD ay humingi ng tulong sa kapulisan. Si Flores ay naaresto noong Sabado ng gabi sa paglabag sa Sec.3 (b) Republic Act No. 3019 or the Anti-Graft and Corrupt Practices Act at violation sa Bayanihan Act.

Nagbanta naman si Año na ang naturang pangyayari ay hindi nararapat at kaparusahan ang ipapataw sa mga tiwaling lokal na opisyal. Siniguro naman nito na bibigyan ng due process ang mga akusado at ang batas ay ipinatutupad lalo na ngayong may krisis.

"Hindi talaga masisikmura ng taumbayan ang pagbubulsa ng SAP. Ang daming umaasa at naghihintay nito tapos pagkatanggap pa ay may kaltas na. Hindi makatarungan ito para sa mga benipisyaryo at ito ay maling pagpapayaman ng mga korap na opisyal," sabi pa nito.

Habang ang PNP at NBI ay inatasang imbestigahan ang kasong kriminal, inatasan rin ni Año ang mga Regional Director ng DILG na bumuo ng DILG Provincial Investigating Team na siyang tututok sa mga kasong administratibo laban sa mga korap na opisyal na maaari nilang ikatanggal o ikasuspinde sa serbisyo.

Ang grupo ay dapat mag-submit ng kanilang report sa DILG Central office kung anong aksyon ang kanilang ginawa tungkol sa naturang bagay.

"Mas nakabantay ngayon ang taumbayan sa pamamahala ng lokal na gobyerno. Gawin ninyo itong oportunidad para ipamalaas ang inyong pagmamalasakit at ang dahilan ng inyong pagpasok sa public service. Kusa namang makikita ng tao kung kayo'y matino, mahusay at tunay ma maaasahan," sabi nito.