NEWS

DILG iimbestigahan ang Punong Barangay ng Dasmariñas na sangkot sa isang Zoom sex scandal

August 27, 2020
Kasunod ng pagkalat ng viral video ng isang punong barangay ng Fatimas Dos, Dasmariñas City, Cavite na nakikipagtalik sa isang Zoom call, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magpapadala ito ng investigation team upang siyasatin ang insidente.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan E. Malaya, nakakabahala at kagimbal-gimbal ang ulat na ito dahil ito’y lumalabag sa public morals at sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.

“Kung totoo ito, hindi dapat ganooon ang asal ng isang halal na opisyal. Tinitiyak po naming iimbestigahan ang insidenteng ito at pananagutin ang barangay captain ng kung anong karampatang parusa ng batas sa inasal niya,” aniya Malaya.

“Ang DILG sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Eduardo M. Año ay hindi palalampasin ang ganitong malaswang asal mula sa isang opisyal ng lokal na pamahalaan na inaasahang kikilos nang naaayon sa kanyang posisyon sa gobyerno,” aniya.

Sinabi ni Malaya na ang DILG investigation team ay inatasang isumite sa lalong madaling panahon ang resulta ng kanilang imbestigasyon upang matukoy agad ang pananagutan ng barangay captain at ng kanyang kasama, at magbigay ng rekomendasyon sa Office of the Ombudsman at sa Sangguniang Panlungsod ng Dasmariñas.

Hinimok din ni Malaya ang Dasmariñas City Government na imbestigahan ang nasabing Punong Barangay sapagkat meron din silang angking kapangyarihan psra disiplinahin ang mga opisyal ng barangay.

“Kung ang lahat ng ebidensya ay magdidiin sa ang pagkakamali ni Kapitan Estil, maaari siyang sampahan ng administrative case at matanggal sa pagkakaluklok bilang barangay captain. Kaakibat ng serbisyong publiko ay ang tiwala ng mga tao. Hindi kayo binoto ng mga kababayan ninyo para mag-iskandalo kundi para maglingkod,” aniya.

Dagdag din ng DILG Spokesperson na lahat ng opisyal ng gobyerno ay inaasahang magpamalas ng pinakamataas antas ng moral at ethical standard alinsunod sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ayon sa Section 2 ng nasabing batas, “It is the policy of the State to promote a high standard of ethics in public service. Public officials and employees shall at all times be accountable to the people and shall discharge their duties with utmost responsibility, integrity, competence, and loyalty, act with patriotism and justice, lead modest lives, and uphold public interest over personal interest.”

Si Estil at ang kanyang kasama na kinilala bilang kanyang barangay treasurer ay napasailalim sa lente ng publiko matapos silang lumabas sa isang Zoom meeting na patungkol sana sa mga programa ng kanilang barangay laban sa COVID-19, ngunit naging palabas ng kanilang pagtatalik at na nairecord pa sa nabanggit na virtual platform.