NEWS

DILG hinimok ang mga pamahalaang lokal na suportahan ang National Children's Month

November 20, 2018

Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang mga pamahalaang lokal na manguna para sa kapakanan ng mga bata sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagdiriwang ng 26th National Children's Month (NCM) na may temang "Isulong: Tamang Pag-aaruga sa Lahat ng Bata".

Ipinahayag ni Año na ang NCM ay ang pinakamagandang pagkakataon upang itaguyod ang kapakanan ng mga bata sa mga komunidad at hikayatin ang kanilang mga kababayan na unahin ang karatapatan at proteksyon ng mga bata sapagkat "lubhang mahalaga sila sa pag-unlad at kinabukasan ng bansa kung sisimulan nating lumikha ng ligtas, mapag-aruga, at mapagkalingang lipunan para sa kanila ngayon."

"Bilang pinakabatang sektor, higit ang pangangailangan para sa agarang pagtugon ng mga pamahalaang lokal na tiyakin na ang mga bata ay nabibigyan ng proteksyon sa pamamagitan ng mga polisiya at programa, at wala nang mas aangkop na panahon na gawin ito kundi sa NCM," aniya.

Sa isang kautusan na ipinalabas kamakailan, hinikayat ni Año ang mga pamahalaang lokal na suportahan at pangunahan ang pagdiriwang ng NCM na nakatuon sa pagiging mabuting magulang bilang pagtugon sa pangunahing istratehiya ng Philippine Plan of Action to End Violence Against Children.

Ipinaliwanag ng Kalihim ng DILG na upang maipakalat ang kaalaman hinggil sa NCM, ang mga pamahalaang lokal ay inaanyayahang magsabit ng mga tarpaulin o mga streamer; bigkasin ang 'Panatang Makabata' tuwing flag ceremony; at magdikit ng opisyal na logo at tema ng ika-26 NCM, audiovisual presentation, at iba pang advocacy materials sa kanilang website at mga opisyal na social media account.

Maaari ding gumawa at mamigay ng Information, Education and Communication (IEC) materials ang mga pamahalaang lokal at iba pang collaterals mula sa Council for the Welfare of Children; bumuo ng mga gawain na may kaugnayan sa pokus at tema ng ika-26 NCM; at makilahok sa mga gawain ng NCM sa iba't ibang bahagi ng bansa.

"Hinihiling po natin na sana ay suportahan at maging malaking kabahagi ang mga pamahalaang lokal sa pagdiriwang ng NCM at sa iba pang programa at adbokasiya para sa kapakanan ng mga bata," pahayag ni Año.

Hinimok din niya ang mga lingkod-bayan na huwag kalimutan ang kapakanan ng mga bata sa gitna ng mga hamon ng serbisyo publiko. Ayon sa kanya, ang mga hamon ng paglilingkod-bayan ay ang pangunahing prayoridad sapagkat nakaaapekto ito sa buhay ng mas nakararami ngunit ang kapakanan ng mga bata ay kailangan ding bigyan ng atensyon.

"Bilang isang ama, at ngayo'y lolo, nagmumula ang aking inspirasyon na alam kong ang lahat ng aking pinaghihirapan ay makatutulong sa kanila. Bilang mga pinuno ng kanilang nasasakupan, hinihikayat ko ang mga local chief executive na maging ama din sa mga bata at sila'y protektahan at kalingain," dagdag niya.

Pangangalaga sa mga bata sa panahon ng kalamidad

Ang DILG, ayon kay Año, ay naglabas din ng hiwalay na memorandum circular na humihimok sa mga pamahalaang lokal sa suporatahan ang lokalisasyon ng Comprehensive Emergency Programs for Children (CEPC) para sa proteksyon ng mga bata sa panahon ng kalamidad at emergency.

"Hindi natin alam kung kailan darating ang mga kalamidad kaya lubhang napakahalaga na tayo'y bumuo ng mekanismo para sa kanilang kaligtasan sapagkat hindi natin puwedeng balewalain ang pagkawasak na maaaring dalhin ng mga delubyo," ani Año.

Ayon sa nabanggit na memorandum, hinihikayat ni Año ang mga pamahalaang lokal na isama ang CEPC sa kanilang Comprehensive/Local Development Plan, Annual Investment Programs, Local Disaster Risk Reduction and Management Plan, at contingency plans.

Ang mga pamantayan at protocol na nakapaloob sa CEPC ang gagamiting basehan sa pagtugon sa sakuna at iba pang emergency upang pangalagaan ang mga bata, buntis, at nagpapasusong mga ina, at suportahan din ang kanilang agarang paghilom o recovery ayon na din sa isinasaad ng Republic Act 10821 na kilala bilang Children's Emergency Relief and Protection Act.