NEWS

DILG hinikayat ang mga LGU na iendorso ang mga mild at asymptomatic na pasyente sa mga Oplan Kalinga hotels at quarantine facilities

September 29, 2020

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan ng Kalakhang Maynila na idulog ang mga mild at asymptomatic na pasyente sa mga Oplan Kalinga hotels at quarantine facilities kung puno na ang kanilang isolation facilities, sapagka’t mayroon nang 4,000 bakanteng mga kama mula nang tumaas ang bilang ng mga gumaling at nakalabas na mula sa mga pasilidad nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año , ito ay naaayon sa IATF Resolution No. 74 na nag-aatas na i-isolate ang mga pasyenteng mild o asymptomatic sa mga pasilidad na aprubado ng gobyerno, maliban na lang sa mga vulnerable o may comorbidities ayon sa sertipikasyon ng isang health officer.

“Hinihikayat namin ang mga Metro Manila local government units (LGUs) na idulog ang mga pasyente na hindi na nila matatanggap sa kanilang mga local isolation facilities sa mga Mega TTMF at Oplan Kalinga Hotel na ngayon ay may bakanteng 4,000 na kama dahil marami na ang na-discharge,” ani Año.

Samantala ang mga vulnerable at may comorbidities ay maaaring mag-home isolation kung masusunod ang mga patakaran ng Annex F ng Joint Administrative Order No. 2020-0001 ng Department of Health at DILG. Exempted sa patakarang ito ang mga confirmed mild and asymptomatic COVID-19 patients sa mga lugar na puno na ang mga government-recognized isolation centers.

“Meron tayong mga Mega Quarantine Facilities and 31 COVID hotels na kung saan puwede sila mag-isolate. Importante kasi talaga na mailabas sila sa bahay kasi baka mahawa ang pamilya,” dagdag ng Kalihim.

One Hospital Command Center

Ayon naman kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang mga LGU ay maaaring direktang makipag-ugnayan sa One Hospital Command Center (OHCC) na nasa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ito ay nilikha upang mapadali ang pagtugon sa pandemya sa pamamagitan ng pagtatatag ng mahusay na health facility referral sa Metro Manila.

Mula nang itatag ang OHCC, madali nang makahahanap ng mga malalapit na ospital at mga isolation faciliies ang mga LGU o mga indibiduwal.

Ang command center ay bukas 24 oras araw-araw at ang mga nangangailangan ng manggagamot ay maaaring tumawag sa OHCC hotlines sa 0927-728-0750, 0927-728-0753, 0927-728-0755, and 0927-728-0798

Ang mga nangangailangan ng tulong ng OHCC ay maaari ring mag-download ng PureForce Citizens App mula sa Google Play Store or App Store.

Ayon kay Malaya, may 5,000 kaso na ang matagumpay na nahawakan ng OHCC mula nung itatag ito ilang buwan na ang nakakaraan.