NEWS

ADVISORY

DILG hinikayat ang mga CSO na mag-apply para sa $3-milyong ayuda laban sa violent extremism

May 24, 2019

Mas magiging epektibo ang kampanyang Preventing and Countering Violent Extremism (PCVE) ng pamahalaan matapos mangako ang isang international funding agency na magkakaloob ng US $3-milyon sa mga civil society organization (CSO) para sa kanilang inisyatibo laban sa violent extremism sa mga pamayanan.

Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na ang Global Community Engagement and Resilience Fund (GCERF), isang non-profit na foundation sa Switzerland, ay nakipagtambalan sa pamahalaan ng Pilipinas at ngayo'y inaanyayahan ang mga CSO na magpahayag ng kagustuhan na makatanggap ng ayuda ng GCERF.

"Isa sa mga prayoridad ng DILG ay ang pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng pamayanang Pilipino sa pamamagitan ng paglaban sa violent extremism. Ngayong katuwang na natin ang GCERF na tuparin ang nasabing hangarin, mas magiging empowered ang mga pamayanan sa paglaban sa isyung ito," aniya.

Ayon sa DILG Chief, ang magiging pokus ng pondo mula sa GCERF ay ang bahagi ng Mindanao at iba pang lugar sa bansa tulad ng Luzon at Metro Manila na malimit na target at biktima ng violent extremism.

Sinabi din niya na ang mga CSO na nagnanais na makakuha ng nasabing pondo ay kailangang unahin ang mga kabataan at bata (in-school at out-of-school); mga youth support network (pamayanan; kababaihan; mga pamilya, kasama ang mga ina; mga academic at learning institution; mga religious leader at iskolars, kasama na ang mga nag-aaral sa labas ng bansa; at mga traditional leader); at mga gumagamit ng social media na maaaring mabiktima ng radikalisasyon at violent extremism.

Ayon naman kay DILG Assistant Secretary Alexander Macario, ang mga CSO-grantee ay inaasahan ding magmungkahi ng mga gawain na magtataguyod ng 'tolerance', kung saan nangangalap ng bagong miyembro sa laylayan ng lipunan ang mga violent extremist; community agency, kung saan sinasamantala ng mga violent extremist ang mga kahinaan sa pamamahala ng gobyerno; positibong panlipunan at pang-ekonomiyang alternatibo laban sa mga iniaalok ng mga violent extremist; at critical thinking at life skills bilang proteksyon laban sa violent extremism recruitment.

"Kami ay lubhang natutuwa sa posibilidad na maging katuwang ang GCERF sapagkat makatutulong din ito sa mga hakbangin ng pamahalaan na wakasan ang 50-taong local communist armed conflict sa bansa," aniya.

Si Macario ang kinatawan ng pamahalaan ng Pilipinas sa GCERF Board na siyang namamahala sa nasabing foundation.

Nauna nang itinatag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na binubuo ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan na may hangaring tapusin ang suliranin ng terorismo sa bansa.

Simula noong unang bahagi ng 2016, ang GCERF sa pamamagitan ng Core Funding Mechanism (CFM) ay nagkaloob na ng US$ 13.416-million sa Bangladesh, Mali, at Nigeria. Nakipagtambalan din ito sa iba pang bansa tulad ng Kenya, Kosovo, at Myanmar.

Naging pormal na bagong katuwang na bansa ng GCERF ang Pilipinas noong Agosto 2018 tungo sa paghahangad na matupad ang United Nations Sustainable Development Goals (UN SDG) on “Peace, Justice, and Strong Institutions.”

"Hinihikayat ko ang mga lokal na organisasyon at mga CSO na interesado sa pagsasagawa o pagpapatibay ng PCVE strategies sa kanilang mga pamayanan na magpasa ng kanilang mga proposal bago ang deadline sa Mayo 26. Eto ay mahalagang tulong patungo sa kapayapaan laban sa terorismo,” ani Macario.

Ang deadline ng aplikasyon para sa pondo ng GCERF ay sa Mayo 26, 2019. Lahat ng 'Expressions of Interest' gamit ang tamang form ay kailangang ipadala sa
call.philippines@gcerf.org na may subject line na ‘EOI-PHILIPPINES’. Ang ibang impormasyon ay maaaring makita sa website ng GCERF.