NEWS

ADVISORY

DILG hinihimok ang LGUs na gumawa ng ordinansang magtataguyod ng disiplina bilang new normal; PNP in-adopt ang kampanyang Disiplina Muna

July 15, 2020

Hinihikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang mga local government units (LGUs) na gumawa ng mga ordinansang magtataguyod ng disiplina bilang new normal na non-medical na paraan upang labanan ang COVID-19 at bilang parte ng kampanyang Disiplina Muna ng Kagawaran.

Ngayong ang gobyerno ay nagluluwag ng quarantine restrictions upang mabalanse ang layuning protektahan ang kalusugan ng mamamayan at ang pangangailangang buksang muli ang ekonomiya, dapat tayong magtaguyod ng mga hakbang upang maisulong ang disiplina at indibidwal na responsibilidad ng mga tao sa pamamagitan ng pagpasa at pagpapatupad ng mga lokal na batas,” aniya ngayong Martes.

Ayon sa DILG Chief, ang hinihimok gawing ordinansa ng ay iyong magtataguyod ng disiplina sa pagsunod ng health safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar, pag-sasanitize ng mga kamay, pagsasagawa ng one-meter physical distancing, pagsunod sa cough etiquette at pananatili sa bahay ng mga bata’t matatanda.

Hinihikayat ko ang LGUs mula sa sangguniang panlalawigan hanggang sa sangguniang barangay na gamitin ang kanilang legislative power upang gumawa ng mga ordinansa ukol sa ‘disiplina bilang new normal’ upang labanan ang COVID-19. Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng indibidwal na dispilina, kaya nating talunin ang COVID-19,” sabi ni Año.

Pinapaalala rin ni DILG Secretary sa publiko ang babala ng World Health Organization (WHO) na ang COVID-19 ay naghihintay lamang na magpabaya ang mga tao. Ayon sa WHO, kahit sa mga bansang wala ng nakikitang kaso kamakailan ay may banta pa rin ng COVID-19.

Payo ng WHO sa publiko ay iwasan ang tatlong C: confined at closed spaces na may poor ventilation, crowded o matataong lugar at close-contact settings lalo na kung saan ang mga tao ay nag-uusap ng malapit.

Hindi kayang bantayan ng pulis ang bawat tao

Sinabi pa ni Año na suportado niya ang rekomendasyon ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na magkaroon ang LGUs ng ordinansa upang mapanatili ang public health safety measures at maitaguyod ang shared responsibility para maging COVID-free ang mga komunidad.

Mahusay ang kanyang proposal. Totoo na hindi kayang bantayan ng mga pulis ang bawat isa sa lahat ng oras. Hindi mag-isang matitiyak ng mga pulis na ang lahat ay patuloy na sumusunod sa health safety practices. Dapat gawin ng bawat Pilipino ang kanyang responsibilidad. Kapag may ordinansa, magiging obligado ang mga mamamayan na sumunod dahil may naaangkop na parusa, magtataguyod ito ng kaayusan at makakabuti sa lahat,” aniya.

Kamakailan ay sinabi ni Eleazar na may ilang LGU na ang nagpasa ng ordinansa na nagpapataw ng parusa sa mga taong mahuhuling walang suot na face mask sa mga pampublikong lugar at magpaparusa sa mga lalabag sa quarantine protocol na physical distancing.

Kampanyang Disiplina Muna in-adopt ng PNP

Upang isabuhay ang disiplina mismo sa kanilang mga sarili, inilunsad ng PNP ang Disiplina Muna national advocacy campaign sa PNP National Headquarters at sa lahat ng tanggapan ng pulisya sa buong bansa.

Tandaan po natin, lalo na sa mga pulis at nasa frontline—lalong-lalo na sa mga nasa lansangan, kayo ang show window ng pulisya. Ang disiplinang pinapakita ninyo ay sumasalamin sa pagkatao ng buong PNP,” sabi ni DILG Undersecretary for Peace and Order Bernardo C. Florece, Jr. sa paglulunsad sa Camp Crame.

Patunayan natin na tayo ay may disiplina. Higit sa lahat, may malasakit, may dangal at puso, pinakahigit sa lahat ay may takot sa Diyos,” dagdag pa nito.

Ang paglulunsad ay alinsunod sa DILG Memorandum Circular No. 2019-18 na nagdidirekta sa mga kalakip na ahensya ng Kagawaran at sa LGUs na isagawa ang kampanya sa kanilang mga nasasakupan.

Ang kampanyang Disiplina Muna ay isa sa mga proyekto ng DILG bilang Chair ng Cabinet’s Participatory Governance Cluster. Layon nitong mapalakas muli ang kultura ng disiplina sa mga Pilipino upang maitaguyod ang people’s participation bilang isa mga element ng mabuting pamamahala.

Pinuri ni Florece ang PNP sa pagsuporta sa kampanya na sumasaklaw sa gobyerno, pribadong sektor, civil society at media. Aniya, ang kampanya ay napapanahon sa kasalukuyang pandemya at sa darating na post-COVID-19 era.

Lalo pang dumarami ngayon ang sumusuporta sa kampanya kabilang na ang ilang celebrities tulad nina Matteo Guidicelli, Diether Ocampo, Paolo Bediones at James Deakin.