NEWS

DILG hindi magpapasindak sa "peace spoilers", terorista

January 30, 2019

Sa kabila ng trahedyang dulot ng pagsabog sa Jolo, Sulu noong Linggo ng umaga, hindi natitinag ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa laban nito para sa kapayapaan at hindi magpapasindak sa mga tao o grupong nagnanais sirain ang kapayapaang itinataguyod ng pamahalaan sa pagitan ng mga grupo ng dating rebelde sa Mindanao.

“Ang pamahalaan, lalo na ang DILG, ay hindi magpapatinag sa peace spoilers o nais manggulo sa kapayapaan at terorista. Ipagpapatuloy natin ang paglaban sa sino mang magsasagawa ng karahasan at patuloy nating susugpuin ang terorismo at violent extremism sa bansa,” saad ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sinabi ng DILG Chief na nakatuon ang pamahalaan sa tagumpay ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at hindi ito papayag na maisantabi lang ito dahil sa nangyaring pambobomba sa Jolo.

Ayon pa sa opisyal, ang ginawang pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu ay kahalintulad sa taktikang ginawa ng mga violent extremists sa Bali, Indonesia na ang layunin ay magdulot ng labis na pinsala sa kanilang target.

"Tinatawag natin 'tong paramihin ang bilang ng mga masasawi. Ito rin ang ginawa nila sa Bali, Indonesia noong panahon ng J.I (Jemaah Islamiyah). Pagkatok ng isa, ang tendency ay ang mga tao ay maghahanap ng lalabasan at doon daraan ang lahat. Mayroon ding kasunod na pagsabog doon," pahayag nito.

Ang kambal na pagsabog sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na nangyari noong Linggo habang nagmimisa ay nag-iwan ng 20 kataong patay at 112 sugatan. Ang unang pagsabog ay sa loob ng Cathedral habang isinasagawa ang misa, at ang ikalawang pagsabog ay nangyari malapit sa entrada ng simbahan ilang segundo habang nagsisitakbuhan palabas ang mga nagsimba.

Inihayag ni Año na tinitingnan ng pulisya ang posibilidad ng pagkakaroon ng suicide bomber, “subalit hindi pa ito tiyak hanggang hindi natatapos kuhanan ng pahayag ang lahat ng survivors at makalap ang kaukulang impormasyon.”

“Nagpapatuloy pa din ang imbestigasyon at ang Philippine National Police (PNP) ay hindi titigil hanggang hindi napapanagot ang mga sangkot sa marahas na insidenteng ito,” aniya.

“Tinitiyak ko sa publiko na mareresolba itong nakakasindak na krimeng ito at papanagutin natin sa batas ang mga sangkot dito,” saad pa nito.

Ayon pa sa Kalihim, isinasantabi ng DILG ang mga hakahaka hinggil sa nangyaring pagsabog sa halip at patuloy itong magsasagawa ng imbestigasyon hanggang sa lumabas ang katotohanan.

“Walang halaga sa amin ang umano’y pag-ako ng ISIS na sila ang responsible. Susundan natin kung saan tayo dadalhin ng mga ebidensya at sisiguruhin natin na makakamit ng mga nasawi sa malagim na krimeng ito ang hustisya,” anito.

Walang-saysay na karahasan

Samantala, nagpahayag ng kalungkutan si DILG Assistant Secretary for Mindanao Affairs Marjorie N. Jalosjos “laban sa mga taong patuloy na nagpapalaganap ng kultura ng pagkamuhi, karahasan at pagkakawatak-watak.”

Sinabi ni Jalosjos na ang “walang batayang karahasan ay kontra sa isinusulong ng pamahalaan na katahimikan at pangmatagalang kapayapaan sa Muslim Mindanao.”

“Ang ganitong uri ng kultura ay hindi dapat maging katanggap-tanggap, lalo na kung buhay ng mga inosenteng mamamayan ang nakasalalay at ang matagal nang inaantabayanan na Bangsamoro autonomous ay nababahiran ng mga negatibo bago pa man ito magsimula. Kailangan ng bansa ang walang pag-iimbot na pagmamahal at tayong mga Muslim at Kristiyano ay dapat na binibigyan ng pagkakataon ang kapayapaan,” dagdag nito.