NEWS

DILG handa sa mga magtatangkang guluhin, pigilan ang plebisito para sa BOL

January 21, 2019

Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na hindi nito hahayaang may gumulo sa makasaysayang pagboto para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ngayong araw.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, handa ang pamahalaan sa maaaring panggugulo ng mga teroristang komunista, mga makakaliwa, o mga tutol sa BOL na "magtatangkang guluhin o pigilan ang mahalagang hakbang tungo sa kapayapaan ng Mindanao."

"Sa kabila ng mahalagang bahagi ng BOL tungo sa kapayapaan ng Mindanao, maaari din itong gamitin ng mga teroristang komunista, mga makakaliwa, o mga tutol sa BOL upang maghasik ng karahasan at pigilan ang botohan. Kaya naman buong puwersa tayo para tiyakin na magiging mapayapa at maayos ang plebisito," ani Año.

Ibinahagi din ng Kalihim ng DILG na may 20,834 na pinagsamang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipinakalat para tiyaking magiging mapayapa ang plebisito para sa mga mamamayan ng Autonomous Region In Muslim Mindanao (ARMM) at mga lungsod ng Isabela at Cotabato na siyang boboto ngayong araw.

Sa nasabing pinagsanib na puwersa, 10,000 naman ang itatalaga sa iba't ibang presinto habang ang mga batalyon ng PNP Special Action Force, at PNP Calabarzon at Central Luzon ay nakaantabay para sa kung anumang hindi magandang pangyayari.

Magsisilbi ding mga Board of Election Inspector ang ilang kapulisan ng PNP kung kakailanganin. Sumailalim ang mga piling pulis ng PNP sa pagsasanay ng Commission on Elections para dito sa mga nakaraang pambansa at lokal na halalan.

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa lahat ng security official ng pambansa at lokal na pamahalaan na tiyaking magiging mapayapa ang plebisito para sa BOL at siguraduhing ang lahat ng hakbang tungo sa maaayos na halalan ay maisagawa upang marinig ang tinig ng mga mamamayan ng Mindanao.

"Hindi kami magpapabaya. Hangarin lamang namin na maging mapayapa ang pagpapahayag ng ating mga kababayan sa Mindanao ng kanilang opinyon ukol sa BOL kaya naman sa utos na din ng ating Pangulo, titiyakin naming magiging mapayapa ang araw na ito," paliwanag ni Año.

Hiningi din ng AFP ang tulong ng Moro Islamic Liberation Front at iba pang grupo tungo sa maayos na pagsasagawa ng plebisito.

Ang BOL, matapos itong maisabatas, ay magiging susi upang mapalitan ang ARMM ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ang unang plebisito ngayong araw ay sasaklaw sa ARMM at mga lungsod ng Isabela at Cotabato na susundan naman ng ikalawang pagboto sa BOL ng mga mamamayan ng Lanao del Norte at North Cotabato sa Pebrero 6, 2019.

Samantala, idineklara ng Malacañang ang Enero 21, 2019 bilang special (non-working) holiday "upang bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng ARMM at mga lungsod ng Isabela at Cotabato na aktibong makilahok sa plebisito at gamitin ang kanilang karapatang bumoto."