NEWS

DILG at Marikina LGU pumirma ng kasunduan para sa Safe Philippines Command Center

October 29, 2020

Pumirma kamakailan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Facility (BJMP), at ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina ng Deed of Usufruct para sa pagtatatag ng Safe Philippines National Command and Control Center (SafePh NCCC) sa naturang lungsod.

Inaasahan ni DILG Secretary Eduardo M. Año na mapapabilis ng nasabing ugnayan ang mga kakayahan ng mga public safety institutions sa pagsugpo ng kriminalidad at pagpapabuti ng pamamahala ng mga serbisyo sa sunog, bilangguan, disaster risk reduction, at pamamahala sa trapiko.

“Malaking bagay ang pangunguna ng LGU ng Marikina sa kasunduang pagtibayin ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagsigurong ligtas at panatag ang ating mga mamamayan,” sabi ni Año.

Ang Safe Philippines ay isa sa mga priority projects ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang matugunan ang mga problema at banta sa kaligtasan at seguridad ng publiko dahil sa krimen, pag-atake ng mga terorista, insidente ng sunog, pagsikip sa trapiko, at mga aksidente sa kalsada sa pamamagitan ng paggamit ng mga modernong teknolohiya.

Sinabi ni Año na magagawa ng BFP na pag-ibayuhin ang mabilisang pagtugon nito sa oras ng mga hindi inaasahang pangyayari habang ang BJMP ay magpapabuti pa ng kakayahan sa pagpapaluwag ng mga bilangguan at reporma sa sandaling nakumpleto na ang pasilidad ng Safe Philippines sa Marikina.

“Sa tulong ng Local Command Center, mas mapapadali, mapapahusay at maisasaayos ang mga programang nakatuon sa pagpapabuti ng kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan,” dagdag niya.

Sa ilalim ng 20 taong kasunduan sa Usufruct, magtatayo ang BFP ng isang BFP-National Capital Region (NCR) Regional Office, Marikina Central Fire Station, BFP Training Center, at Museum sa isang 13,067 square meters (sq.m.) habang ang BJMP ay bubuo ng isang pasilidad pambilangguan sa 8,993 sq. m. lot area sa isang piraso ng lupa sa Barangay Nangka na pag-aari ng Marikina local government unit (LGU).

Kultura ng disiplina sa Marikina

Pinuri din ni Año si Marikina City Mayor Marcelino R. Teodoro dahil sa maagap na pagsisikap ng lungsod na maputol ang tanikala ng COVID transmission sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga quarantine at health protocols, pina-igting na contact tracing, at ang kanila mismong testing laboratory na humantong sa pagtatala ng isa sa pinakamababang COVID-19 trandmission sa punong rehiyon.

Binanggit din ng DILG Chief na si Marikina ay lumilitaw bilang "gintong pamantayan" sa mga road clearing operations at ang paglunsad kamakailan ng mga kampanya na Disiplina Muna at BIDA ang May Disiplina.

“Malaki ang pasasalamat ko kay Mayor Marcy Teodoro sa pagiging kaakibat ng DILG at mga ahensiya nito sa pagpapalawig at pagpapalakas ng mga programa ng pambansang pamahalaan,” sinabi ni Año.

Ang Deed of Usufruct ay nilagdaan sa isang simpleng inaugural ceremony sa Marikina City kasama si DILG Secretary Año, Marikina City Mayor Marcelino R. Teodoro na sinaksihan ni DILG Undersecretary for Peace and Order Bernardo C. Florece, mga opisyal at tauhan ng Marikina-LGU, pati na rin ang mga opisyal at tauhan mula sa BFP at BJMP.

Nilalayon ng SafePH NCCC na mapabuti ang kakayahan ng mga tagapangalaga sa seguridad na mabawasan ang krimen at mapabuti ang pamamahala ng mga serbisyo sa sunog, serbisyo sa mga bilangguan, disaster risk reduction, at kaligtasan sa kalsada.

Titiyakin nito ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinakabagong mga teknolohiya sa ating pulisya, mga public safety institutions, at emergency response units upang mas maging epektibo sila at mabilis na matugunan ang mga insidente upang mabawasan at tumugon sa mga emergencies at mga sakuna.