NEWS

DILG: Wala pang desisyon sa pagpayag na pumunta sa mga mall ang mga menor de edad

December 2, 2020

Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala pang pinal na desisyon sa pagpayag sa mga menor de edad na bumisita sa mga mall habang may pandemya pa ng COVID-19 sa National Capital Region at sa buong bansa.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi pa nagkakasundo ang mga alkalde sa Metro Manila at wala pa silang rekomendasyon pagkatapos ng dalawang pulong. Pupulungin pa umano ng mga mayor ang Philippine Pediatric Society at iba pang mga health experts bago bumuo ng resolusyon.

“Kahit magpasa ng pinag-isang panukala ang mga alkalde na pumapayag na magpunta sa mga mall at iba pang pampublikong lugar ang mga menor de edad o mga bata, ang huling pagpapasya ay nasa IATF at sa Pangulo,” anang kalihim.

“Hintayin na lang natin ang mga mayor na magpasa ng rekomendasyon sa IATF,” payo ni Año.

Nilinaw niya na dahil wala pang pinal na desisyon na pinagtibay, mananatili ang mga naunang kautusan na sa bahay lang muna ang mga menor de edad.

Ayon sa kalihim mas mabuting limitahan ang bilang ng mga taong lumalabas dahil sa hinaharap na pandemya, bagama’t bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa NCR at sa mga lungsod sa bansa.

“Hangga’t maaari, bawasan natin ang bilang ng mga taong lumalabas lalo na ang mga matatanda at mga menor de edad, pero pakikinggan namin ang rekomendasyon ng mga Metro Manila mayors at mga eksperto sa kalusugan,” aniya.