NEWS

DILG: QC kinondena ang mga teroristang komunista bilang pagsuporta sa EO 70

December 14, 2020

Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tinuligsa ng pamahalaan ng Lungsod ng Quezon ang terorismong komunista nang ipasa nito ang Sangguniang Panlungsod Resolution No. 8189 s. 2020 noong Marso 16, 2020.

“Naitala namin na ipinasa ng Quezon City noong mga unang buwan ng 2020 ang SP Reso. 8189 noong mga unang buwan ng 2020 na pinamagatang “A Resolution Strongly Condemning All Forms of Atrocities and Acts of Violence in Support of Executive Order No. 70, s. 2018” noong kanilang ika-25 na regular session. Ang resolusyon ay inaprubahan ng konseho ng Quezon City noong ika-16 ng Marso ng taong ito,” ayon kay DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya.

Ayon kay Malaya, nakasaad sa resolusyon na sinusuportahan ng sanggunian ng Quezon City ang pagpapatupad ng Executive Order No. 70 na lumikha sa National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at nagtatag ng whole-of-nation approach upang maabot ang inklusibo at pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa.

Idinagdag pa niya na ang mariing pagkondena ng mga local government unit (LGU), kasama na ang Quezon City, sa pamamagitan ng mga sanggunian resolution ay nangangahulugan lamang na para sa kanila ay mga persona non grata ang mga ito sa kanilang mga nasasakupan.

“Ito ang epekto ng pagkondena ng mga LGU sa karahasan at kalupitan ng mga teroristang komunista. Kung kinokondena ng isang LGU ang karahasan ng mga CTG, bubuksan pa ba nila ang kanilang pintuan sa kanila? Tiyak na hindi. Wala ito sa tamang rason,” ani Malaya.

“Kapag sinabi nating kinokondena natin ang karahasan ng mga Komunistang terorista, ang ibig sabihin din noon ay nakapinid at nakakandado na ang kanilang mga pintuan laban sa kanila. Ibig sabihin, persona non grata na sila,” aniya.

Ipinaliwanag niya na nasasaklaw ng pariralang persona non grata ang lahat ng anyo ng pagkondena sa CPP-NPA-NDF at mga front organizations nila, kung ito man ay tumutukoy sa mga kasapi ng mga CTG o sa kanilang mararahas na pagkilos. “Gayunpaman, nangangahulugan ito na hindi na sila katanggap-tanggap sa mga LGU at hindi na nila magagamit ang mga LGU na base upang pumatay o manambang ng mga puwersa ng pamahalaan o pumatay, dumukot o mangikil sa mga sibilyan,” dagdag pa ng tagapagsalita ng DILG.

Noong Biyernes, itinanggi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na naglabas sila ng resolusyong nagdedeklarang persona non grata ang CPP-NPA-NDF matapos iulat ng DILG na kabilang ang lungsod sa 1,546 na mga LGU sa buong bansa na naglabas ng ganoong deklarasyon.

Nang tanungin si Belmonte ng isang online newspaper kung naglabas sila ng ganitong deklarasyon, sumagot siya sa pamamagitan ng text message at sinabing “Hindi ko sinabi ito … kami ay isang lungsod na inklusibo at lahat ng tao ay malayang magpahayag ng kanilang saloobin kung kikilos tayo ayon sa batas."

Pinirmahan ng Pangulong Duterte noong 2018 ang EO 70 na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at isinabatas ang whole-of-nation approach upang makamit ang inklusibo at pangmatagalang kapayapaan at matuldukan ang limang dekadang suliranin sa mga teroristang komunista.

Nilipat ng EO 70 ang pakikipaglaban sa mga CTG at kanilang mga front organizations mula sa military at kapulisan patungo sa isang whole of nation approach na nagpapakilos sa mga ahensiya ng pamahalaan, mga LGU at mga civil society organizations upang maputol ang mga ugat ng pag-aalsa.

Ayon kay Malaya, panahon na upang talikuran ng mga LGU ang marahas na pamamalakad ng mga CTG at ipahayag ang kanilang suporta sa demokrasya, sa kapayapaan at sa bansa.

“Dalawang panig lang naman po ito. Sa isang panig ay ang gobyerno at ang mga Pilipino na tunay na nagmamahal sa demokrasya, kapayapaan at sa bayan. At sa kabilang panig ay ang mga kaaway ng taong bayan na ang gusto ay patalsikin ang gobyerno at magtatag ng communist state. Saang panig tayo?” tanong niya.

Kabilang sa 1,546 na LGU na nagdeklarang persona non grata ang mga CTG ang 64 na lalawigan, 110 lungsod at 1,372 muisipyo na naglabas ng mga resolusyon. Tinatalakay pa ng 169 LGU ang issue sa kanilang mga sanggunian.

Sa panig ng mga barangay, 12,474 na ang nagdeklarang persona non grata ang CPP-NPA-NDF sa kanilang mga nasasakupan.