NEWS

DILG: Pre-registration ng National ID system maayos, 119 LGUs pumirma na ng MOA kasama ang Phil. Statistics Authority (PSA)

October 19, 2020

Sinabi ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya na ang National ID system pre-registration o step 1 ay maayos na naisasagawa sa 32 prayoridad na probinsiya at 119 local governments units (LGUs) na ang pumirma ng memorandum of agreement (MOAs) kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa maayos na roll-out ng programa.

Ayon kay Malaya, ang pre-registration para sa National ID system ay nagsimula noong Lunes sa pakikipagtulungan Philippine Statistics Authority (PSA) at mga LGUs sa mga 5 million Filipino households mula sa 32 priority provinces na may mababang COVID-19 cases.

Ayon sa mandato sa ilalim ng Republic Act 11055 na isinabatas noong 2018, ang National ID program ay naglalayong mapalitan ang 46 iba’t ibang government IDs para na rin sa kaginhawaan ng mga mamamayang nakikipag-ugnayan sa pribado man o pampublikong establisimyento.

Sa hinaharao, inaasahan ng gobyerno na ang National ID ay magagamit para makapag-bukas ng bank account, gayundin sa digital transaction bilang cashless payment system.

Para sa gobyerno, ang ID at ang impormasyon dito ay maaring makabawas sa bureaucratic red tape na maaaring mangyari sa mga programa katulad ng cash transfers kung saan ang pangunahing layunin ay mapabilis ang tracking at distribution ng mga ayuda sa mga benepisyaryo.

Sinabi naman ni Malaya na habang 119 LGUs na ang nakapirma na sa MOA, mayroong 216 LGUs ang naka-kumpleto na at nakikipag-ugnayan sa PSA at nakatakdang pirmahan ang MOA ngayong linggo ayon sa napagka-sunduan sa DILG Memorandum sa Philippine Identification System (PhilSys).

"Mahalaga ang suporta ng LGUs upang makapaghanda at makasunod sa minimum health protocols habang ang mga tauhan mula sa PSA sy nangangalap ng datos mula sa mga low-income household heads sa kanilang mga nasasakupan,” sabi pa nito.

Sa ilalim ng MOA sa PSA, inaasahan ang LGUs na makikipag-ugnayan sa municipal at barangay-level meetings para sa briefings at discussions tungkol sa PhilSys operations, at tukuyin ang mga lugar ng registration centers, waiting areas at temporary storage facilities, at marami pang iba.

Ang LGUs ay rin ang magpapakilos o magsasaayos ng mga kailangan para sa pre-registration at registration activities katulad ng registration area, electrical supply, storage areas ng mga registration kits, physical security, at crowd control, kung kailangan.

Ang mga LGUs ang magbibigay ng logistical support sa registration process katulad ng pagpapahiram ng back-up vehicles, gayundin ang pag-isyu ng clearance/certification sa mga PhilSys registration teams upang maka-pasok sa mga barangays.

Inatasan naman ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang mga PNP unit commanders at Chiefs of Police na makipag-ugnayan sa PSA at sa mga priority LGUs upang mapadali at ligtas ang pagsasagawa ng pre-registration.

“Ang PNP ay dapat siguruhin ang kaligtasan ng PSA personnel at mga residente na kanilang iinterbyuhin sa kabilang ng banta ng COVID-19 at masunod ang minimum health standards,” sabi ni Malaya.

Ang pagpaparehistro ay mayroong 2 stages -- ang pre-registration at registration proper, na parehong dapat sundin ang heallth protocols katulad ng social distancing na siyang practice upang pigilan ang pagkalat ng coronavirus. Ngayong taon, ang pre-registration/1st Step ay gaganapin simula October 12 hanggang December 30, habang ang registration proper/Step 2 ay magsisimula sa November 12 hanggang December 30.

Sinabi pa nito na ang pakikipag-ugnayan ng LGUs at paghahanda para sa pagpapalawak ng programa sa iba pang mga probinsiya na ay isinasagawa na.

Ang mga probinsiya na binigyan ng prayoridad ay ang mga sumusunod :

  • Region I - Ilocos Sur, La Union, Pangasinan
  • Region II - Cagayan, Isabela
  • Region III - Bataan, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales
  • Region IV-A - Batangas, Cavite, Laguna, Rizal
  • Region V - Albay, Camarines Sur, Masbate
  • Region VI - Antique, Capiz, Iloilo, Negros Occidental
  • Region VII - Bohol, Cebu, Negros Oriental
  • Region VIII - Leyte
  • Region IX - Compostela Valley, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Occidental
  • BARMM - Tawi-Tawi.