NEWS

ADVISORY

DILG: Pinapayagan na ang mag-asawa sa motorsiklo simula Hulyo 10

July 9, 2020

Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na maaari nang umangkas sa mga motorsiklo ang mga mag-asawa o live-in partners simula Hulyo 10, Biyernes. Kailangan lamang lagyan ng protective shield sa pagitan ng dalawang nakasakay ayon sa mga guidelines na itinakda ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

“Simula bukas, July 10, papayagan na natin ang back-riding ngunit sa couples lang muna. Alam naman natin ang sitwasyon ngayon, tumataas ang bilang ng mga positive cases. At least ang couple ay nakatira sa iisang bahay lang ‘yan,” ayon kay Año.

Ayon sa DILG chief, bagama’t pinapayagan na ang pag-angkas, dapat pa ring isaisip ng publiko ang mga protocol na itinakda ng IATF, kasama na ang paglalagay ng protective barrier sa motorsiklo. Sinabi pa niya na ang pagsusuot ng face mask ay mahigpit pa ring ipatutupad ng mga alagad ng batas.

Sinabi ni Año na ang prototype design na isinumite ni Bohol Governor Arthur Yap ang pinayagan ng National Task Force for COVID-19 at ito ang tutularan. “Yung prototype model na sinubmit ni Gov. Arthur Yap, approved na ‘yan ng NTF at ito yung pinaka-prototype na gagamitin natin.”

Matatandaan na noong kalagitnaan ng Hunyo, isinulong ni Yap ang paglalagay ng protective barrier sa pagitan ng dalawang pasahero ng motorsiklo upang matuloy ang pag-angkas nang hindi nasasaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan.

“Maganda ito sapagkat protektado ang passenger,” aniya. “May handle sa side nung barrier at lalagpas sa ulo niya ‘yung barrier para sigurado na walang laway na tatalsik and at the same time kailangang magsuot ng mask at naka-helmet ‘yung rider at passenger,” paliwanag niya.

Pinaalalahanan ni Año ang publiko na dahil nabago ang disenyo ng motorsiklo, dapat mag-ingat ang mga sasakay. “Kailangan dito ay dobleng pag-iingat sa pagda-drive, dapat ay sumunod tayo sa speed limit,” aniya. “Noon nga nagkakaroon ng disgrasya kahit wala pang barrier, kaya mas lalo tayong dapat mag-ingat ngayon.”

Kailangang magpakita ng pruweba ang mga angkas na sila ay mag-asawa o mag-live in. Dapat pareho ang apelyido ng mag-asawa at pareho ng address ang mga nagsasama.

Maaaring ipakita ang marriage certificate o mga ID sa mga alagad ng batas.

Ang pares ay dapat nakatira sa isang bahay, at kasal o mag-live in. “Sa ID ay dapat magkapareho ng apelyido at kapag naman common-law husband and wife ay kailangang pareho ng tirahan sa ID. Maraming paraan upang patunayan na sila ay nagsasama.”

Ang mga lalabag ay paparusahan ayon sa mga rules at regulations, dagdag pa niya. “Kapag hindi sila sumunod ay mapaparusahan sila. Maraming kaukulang kaso na puwedeng isampa sa kanila.”

Binalaan ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang mga pulis na maunang sumunod sa bagong patakarang ito ng pamahalaan.

“Kapag nakikita ng publiko na ang mga pulis na magka-angkas ay walang protective barrier, mawawalan sila ng kredibilidad. Kaya nais naming paalalahanan ang mga lalaki at babaeng pulis na nagsasama na maunang maglagay ng mga barrier sa kanilang motorsiklo bilang mabuting halimbawa sa publiko,” ayon kay Malaya.

“Ngayon tayo dapat magbigay ng mabuting halimbawa,” pagtatapos niya.