NEWS

DILG: Palayain si AJ Lucena, iba pang kabataan mula sa virus ng terorismong komunista

June 1, 2020

Ang pakikipaglaban sa COVID-19 ay nagpaigting sa pakikibaka ng pamahalaan sa mga communist terrorist groups (CTGs), na pinatunayan ng panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga makakaliwang grupo na palayain si Alice Jasper (AJ) Lucena at mga kasama niyang kabataan mula sa virus ng terorismong komunista.

Muling nanawagan siDILG Secretary Eduardo M. Año noong Sabado nang ipag-utos ng Korte Suprema Court (SC) en banc kina Kabataan party-list Representative Sarah Elago, tagapagsalita ng Anakbayan na si Alex Danday at mga recruiters at kasapi nito na sina Chary Delos Reyes, Bianca Gacos, and Jayroven Ballais Villafuerte, and ang abogadang si Maria Kristina Conti na tumugon sa show cause order na inilabas noong Mayo 19.

Ang show cause order ay inilabas matapos ang paghahain ng petition for the issuance of the writ of Habeas Corpus and Amparo nina Francis and Relissa Lucena, mga magulang ni AJ, laban sa mga respondente.

Si AJ, na ngayo’y 18 taong gulang, ay isang menor de edad noong mahikayat ng mga komunistang kabataan at nawala mula pa noong Hulyo 2019. Noong Agosto 2019, inamin ni AJ sa isang press conference na kusang-loob siyang sumali sa mga CTG.

“Ang paghimok ng mga menor de edad upang gawing child warriors ay labag sa international law. Hindi sila maaaring maghugas-kamay sa pagbe-brainwash nila sa mga kabataan upang sumali sa terorismong komunista,” ani Año.

“Kayong CTGs ang limang dekada nang peste sa lipunan. Mas matindi pa kayo sa COVID-19. Pinapatay niyo ang kinabukasan ng kabataan at dinudurog ninyo ang puso ng mga magulang na nawawalan ng mga anak,” ayon sa kalihim.

“Hinahawaan ninyo ang mga kabataan ng inyong mapagkunwaring pagka-makabayan kaya kayo hindi nagtatagumpay ay dahil hindi totoong para sa bayan ang inyong adhikain. Itigil na ang pagkalat ng virus ng terorismong komunista,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng kalihim ng DILG na “habang lumuluwag na ang quarantine patungo sa new normal sa panahon ng pandemya, hinihimok ko ang kabataan na humiwalay, pisikal man o online, sa mga makakaliwang grupo. I-sanitize niyo ang inyong sarili laban sa kanilang mga maling paniniwala.”

Pinuri ng DILG bilang kasapi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mag-asawang Lucena sa paghahain nito ng mga petisyon sa Korte Suprema.

Nasa likod nila ang DILG at ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang pagnanais na mabalik sa kanila ang kanilang anak. Pinoprotektahan ng mga batas at ordinansa ang pamilya bilang pinakamaliit na bahagi ng pamayanan. Kasama kami ng mga Lucena sa kanilang laban sa paghihikayat sa mga kabataan na sumali sa mga CTG,” aniya.

Ayon sa abogado ng mga Lucena, ang buhay, kalayaan at kaligtasan ni AJ ay nilabag nung siya ay menor de edad pa, at ngayon ay wala siyang laban sa COVID-19 dahil siya ay out of school youth at walang trabaho.

Hiniling nila sa korte na utusan ang mga CTGs na ibalik agad si AJ sa kanyang mga magulang sang-ayon sa Bayanihan to Heal as One Act, na nag-aatas sa lahat na manatili sa kanilang mga tahanan.

Nangako si Año na tutulong ang DILG na maibalik si AJ sa kanyang mga magulang ayon sa batas at Saligang Batas, na nagpapatunay sa karapatan ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak na produktibo at maka-Diyos. Nakasaad din sa Saligang Batas na ang pamahalaan ay magsusulong at maniniguro ng physical, moral, spiritual, intellectual at social well-being ng mga kabataan.