NEWS

ADVISORY

DILG: Pagtawag sa Hotline 911 libre na, prank callers maparurusahan

August 8, 2019

Inanunsyo ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na lahat ng tawag sa Emergency 911 Hotline ng pamahalaan ay libre na para sa mga subscriber ng PLDT, Smart, Talk ‘N Text at Sun ngunit nagbigay babala sa mga prank at fraudulent caller ng hotline na maaari silang maparusahan sa ilalim ng batas.

"Libre na po ang pagtawag sa Hotline 911 sa PLDT at tatlong mobile networks nito pero hindi ibig sabihin ay gagamitin natin ito para sa panloloko. Ang panloloko ay maaaring maparusahan sa ilalim ng batas," sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

"Huwag po kayong magdalawang-isip na i-dial ang 911 sa panahon ng emergency. Hindi natin hahayaang ang kawalan ng load ay maging hadlang sa pagliligtas ng buhay sapagkat bawat segundo ay mahalaga sa panahon ng emergency," dagdag niya.

Batay sa datos mula sa DILG Emergency 911 National Office, pangkaraniwan nang nakatatanggap ng halos 3,500 na emergency calls ang hotline sa loob ng isang buwan at humigit-kumulang sa 100 legitimate na tawag sa loob ng isang araw.

Ipinahayag ni Año na natutuwa ang DILG sa pagtupad ng isang malaking telecommunication company tulad ng PLDT, kasama ang iba nitong mobile network companies na Smart, Talk ‘N Text and Sun Mobile Network, sa isinasaad ng Executive Order (EO) No. 56 s. 2018 na siyang nagtatakda sa Emergency Hotline 911 bilang emergency answering point sa buong bansa.

Ayon sa Section 3 ng EO 56, "Ang Emergency 911 Commission ang siyang titiyak na lahat ng tawag sa Emergency 911 Hotline ay libre at walang kaukulang bayad o iba pang singilin."

Nagpapasalamat ang DILG Chief sa PLDT sa pagsasagawa nito ng mabuting corporate social responsibility at pag-una sa interes ng mga Pilipino higit sa kikitain ng kompanya sa pamamagitan ng pagsunod sa EO.

"Malaking bagay ito para sa ating mga kababayan. Ang libreng tawag sa Hotline 911 mula sa PLDT at iba nitong mobile networks ay isang napakagandang pag-unlad at serbisyo sa ating mga kapwa Pilipino. Ngayon wala ng dahilan para hindi makatawag sa 911 ang mga nangangailangan ng tulong," aniya.

Sinabi ng DILG Chief na nawa'y sa pagsunod ng PLDT sa executive order ay mahikayat din ang iba pang mga telecommunications company na tumugon dito. "Ito ay patunay na gumagana ang batas. Inaasahan namin ang parehas na pagtugon mula sa iba pang mga kumpanya. Para naman po sa bayan ito."

Samantala, kasalukuyan namang kinukumpleto ng Globe Telecom Inc. ang technical validation nito habang patuloy ang implementasyon ng network upang gawing libre at zero-rated ang mga tawag sa 911 at "nananatili ang pakikiisa sa lahat ng hakbangin ng Emergency 911."

Bawal ang prank, fraudulent calls

Hindi rin umano magdadalawang-isip ang DILG na habulin ang mga prank at fraudulent caller, ani DILG Secretary Año, "sapagkat ang naturang mga gawain na nakahahadlang sa pagbibigay ng agarang tugon sa panahon ng emergency ay maaaring maparusahan sa ilalim ng batas."

Umapela siya sa publiko na i-dial lamang ang Emergency 911 Hotline sa panahon ng tunay na emergency at itigil ang paggamit dito para sa prank at fraudulent calls. "Pasenyahan po tayo, kapag kayo po ay aming nahuli, kayo po ay maparurusahan. May mga kababayan po tayong nangangailangan ng tulong na maaaring hindi kaagad marespondehan dahil sa mga prank calls na ito."

Aniya, ang pagpa-prank call ay maaaring parusahan sa ilalim ng PD 1727 at ang mga mapatutunayang lumabag dito ay maaaring makulong ng hindi hihigit sa limang taon o mapagmulta ng higit sa P40,000, depende sa desisyon ng korte.

Ayon sa datos mula sa Emergency 911 National Office, mula Enero-Hunyo 2019, 15.29 porsyento ng kabuuang tawag na natanggap ng hotline ay mga panloloko, hoax o prank calls.

"Ang Hotline 8888 ay may kaparehas din na problema ayon na din sa ating Pangulo noong SONA. Sana naman ay maisip ng mga tao na ang mga call line na ito (Hotline 911 at 8888) ay para sa serbisyo publiko, kaya naman ang tahasang pagtawag dito para manlinlang o manloko ng iba ay nakahahadlang sa pagkakaloob ng paglilingkod, at higit sa lahat, sa pagliligtas ng buhay,"aniya.