NEWS

DILG: Pagkakasama ng Pilipinas sa US State Dep't advisory kuwestiyonable

April 15, 2019

Walang dapat ipag-alala ang mga dayuhan sapagkat patuloy ang pagbaba ng kaso ng kidnapping sa bansa ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), matapos makasama ang Pilipinas sa nilabas ng US State Department na listahan ng mga bansang may mataas na posibilidad ng kidnapping.

Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na patuloy ang pagbaba ng kaso ng kidnapping sa bansa sa nakaraang mga taon bunga nang matibay na programang pangkapayapaan at kaayusan ng pamahalaan.

"Ito ay simpleng listahan lamang. Ang mayroon tayo ay datos na nagpapakita nang tuwirang pagbaba ng kaso ng kidnapping sa Pilipinas. Doon kami mas nagtitiwala," ani Año.

Kabilang ang Pilipinas pati na ang Iraq, Afghanistan, Pakistan maging ang Malaysia at Russia sa 35 bansa sa listahan ng mga bansa na ayon sa US State Department ay may mataas na posibilidad na magkaroon ng kaso ng kidnapping at inabisuhan ang mga Amerikano na mag-ingat sa pagpunta dito.

"Hindi pa rin natin alam kung paano nila nabuo ito [listahan], ngunit sa matibay na programa ng Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kriminalidad, wala kaming nakikitang basehan para isama nila tayo sa nasabing listahan. Hihingi kami mula sa US Embassy ng batayan na ginamit nila sapagkat kasama din sa listahan ang Malaysia at Russia," aniya.

Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP), mayroong 68 kaso ng kidnapping sa bansa noong 2018 na karamihan ay sa Mindanao naganap, mas mababa ng 11 kaso noong 2017. Samantala, sa kasalukuyan ay 10 pa lamang ang kaso ng kidnapping sa Pilipinas.

Ipinaliwanag naman ni PNP Spokesperson Col. Bernard Banac na "patuloy ang pagbaba ng kaso ng kidnapping sa bansa bunga na din ng mahigpit na kampanya ng anti-terrorism at anti-criminality ng pamahalaan."

Binanggit din ng DILG Chief na naging mas ligtas ang Mindanao bunga ng deklarasyon ng Martial Law. "Hinihikayat pa din ang personal na pag-iingat, nakatulong ang Martial Law sa pamahalaan na mapaigting ang seguridad sa Mindanao upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan at dayuhan," paliwanag niya.

Ang inagurasyon din ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), aniya, ay isa ring patunay ng paghahangad ng pamahalaan ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao "kung saan ang kidnapping ay hindi lalaganap at ang seguridad at kaunlaran ang magiging prayoridad."