NEWS

DILG: Pagkaaresto sa tatlong lawyers walang paglabag sa alituntunin ng United Nations

August 23, 2018

Salungat sa paratang ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), ang pagkaaresto ng tatlong abogado sa ginanap na anti-illegal drugs operation sa isang Makati bar noong nakaraang linggo ay hindi lumabag sa mga alituntunin o prinsipyo ng United Nations, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni Jonathan E. Malaya, Assistant Secretary at Tagapagsalita ng DILG, na batid ng DILG-PNP ang tungkulin ng pamahalaan na siguruhing nagagampanan ng mga abogado ang kanilang trabaho ng walang pananakot, hadlang, panggigipit at panghihimasok na naaayon sa UN Basic Principles on the Role of Lawyers.

Gayunpaman, sinabi ni Malaya na isinasaad din sa naturang UN Declaration ang napakahalagang obligasyon ng mga abogado na makipagtulungan sa pamahalaan at iba pang institusyon sa pagsusulong ng hustisya at ng kapakanan ng publiko.

Malinaw aniya na ang mga nasabing abogadong ay hindi nakipagtulungan sa mga otoridad sa kanilang pagpasok sa crime scene at tumawid pa sa police line na walang legal na awtoridad. Wala din silang naipakitang kasulatan mula sa may-ari ng lugar na hinalughog.

“Habang kinikilala namin na ang mga abogado ay dapat maging tapat sa ipinaglalaban ng kanilang kliyente, dapat din nilang isaisip na bilang mga opisyal ng korte, kailangan nilang sundin ang mga rules of procedure para makamit ang hustisya,” dagdag pa niya.

Noong Martes, sinabi ng IBP na ang pagkaaresto, pagkakulong at pagsampa ng kaso sa tatlong abogado na unang naiulat na nakialam sa police operation ay maaaring may paglabag sa patakaran ng UN.

Sinampahan ng kasong constructive possession of illegal drugs, obstruction of justice, resistance and disobedience to persons of authorities, violation of a city ordinance against civilians crossing a police line ang tatlong abogado matapos maiulat na naging sagabal sila sa pagpapatupad ng search warrant sa loob ng Makati bar. Sila ay pinalaya matapos iutos ng Makati City prosecutor pagkaraan ng 24 oras at itinakda ang preliminary investigation sa darating na Martes, Agosto 28.

Pagkakakilanlan ng kliyente dapat ibinubunyag

Sinabi pa ni Malaya na ang pagkakakilanlan ng isang kliyente ay hindi dapat nababalutan ng misteryo."Ang general rule ay hindi dapat tumanggi ang isang abogado na pangalanan o ibigay ang pagkakakilanlan ng kanyang kliyente lalo na kung siya ay tinatanong ng alagad ng batas.”

"Sa prinsipyo ng batas, ang pagkakakilanlan ng kliyente ay hindi privileged communication. Hindi ito sakop ng attorney-client privilege. Bilang mga abogado, dapat alam nila ito. Ang sakop lang ng nasabing pribilehiyo ay ang mga komunikasyon at korespondensiya sa pagitan ng abogado at kliyente upang lubos ang tiwala ng kliyente sa kanyang abogado kung kanino siya kumukuha ng payong legal at depensa. Samakatuwid, kapag tinanong ng alagad ng batas, kailangang pangalanan ng abogado ang kanilang kliyente dahil kung hindi ay wala silang karapatang lumampas sa police line," paliwanag niya.

Dagdag pa ni Malaya na walang sinuman, kahit pa mga abogado, ang maaaring gumambala o humadlang sa isinasagawang police investigation lalong-lalo na sa pagsisilbi ng search warrant na ipinalabas ng korte.

“Bukod sa pagtatago sa pagkakakilanlan ng kanilang kliyente, wala ring naipakitang written authorization ang talong abogado mula sa may-ari ng lugar na hinalughog ng mga kapulisan. Importante para sa isang abogado na maipakita nila ang legal authority kung bakit naroroon sila sa lugar,” aniya.

Sinabi rin ng DILG Assistant Secretary na ang gobyerno ay naninindigan sa aksyon ng Makati Police sa operasyon sa Makati Bar operations at handang magbigay ng mga magagaling na abogado kung sakaling sila ay sampahan ng kaso.

“Kinakastigo namin ang mga pulis kapag sila ay naliligaw ng landas tulad ng mga ‘scalawags’ at ‘ninja cops’ pero pinapupurihan at buo din ang aming suporta sa kanila kapag sila ay gumagawa ng tama. Sa kasong ito, suportado namin ang Makati police at hindi namin sila tatalikuran," ayon kay Malaya.