NEWS

ADVISORY

DILG: Pag-atake sa Bicol airport patunay na tanging pera lamang ang habol ng CPP-NPA

July 30, 2019

Kinondena ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang pinakahuling pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa kasalukuyang ginagawang Bicol International Airport sa Daraga, Albay at nagpahayag na ang mga rebeldeng Komunista ay mistula na lamang mga grupo ng ekstorsyunista at pangkaraniwang mga bandido.

"Ang mga pag-atakeng tulad nito ay nagpapatunay lamang na sila ay mga pangkaraniwang mga bandido na lamang. Kung talagang pag-unlad ng bansa ang hangarin nila, hindi nila sisirain ang mga proyekto na makatutulong nang malaki sa ating mga kababayan,” ani Año.

Ang Bicol International Airport ay isa sa mga prayoridad na proyekto sa ilalim ng programang Build, Build, Build ng Administrasyong Duterte at inaasahang matatapos sa 2021.

Ayon sa mga ulat mula sa Philippine National Police (PNP) PRO 5, isang improvised explosive device (IED) ang ikinabit sa harap na bahagi ng dump truck na pagmamay-ari ng E.M. Cuerpo Inc. na naging sanhi ng pagsabog nito ng 10:05 NU sa airport sa Sitio Palanog, Brgy. Gapo, Daraga, Albay.

Isang pangkat ng mga sundalo sa kalapit na detachment ng Philippine Army ang tumugon sa pagsabog at nakipagbarilan sa mga rebelde. "Kasalukuyan kaming nagsasagawa ng intelligence operations upang kilalanin ang mga taong may kinalaman dito. Isinasagawa na din ng 903 Brigade Commander at ng PD, Albay PPO ang security review. Tututukan namin ito," sabi ng DILG Chief.

Ipinahayag ni Año na ang nasabing pag-atake ay may kinalaman sa pangingikil ng NPA ng Revolutionary tax na kanilang gagamitin sa kanilang gawaing may kaugnayan sa terorismo. “Wala ng idolohiyang ipinaglalaban ang mga kaliwa. Puro perwisyo na lang sila sa ating mga kababayan. Sa pamamagitan ng mga pag-atake na ito, patuloy silang nakakapangikil ng pera sa kanilang mga biktima. Tutuldukan natin ito,” aniya.

Noong 2017, higit sa 10 heavy equipment ng E.M. Cuerpo Inc. ang sinunog din ng mga rebeldeng Komunista.

Sinabi ng DILG Secretary sa mga pamahalaang lokal na mahigpit na bantayan at protektahan ang mga proyektong pang-imprastraktura sa kanilang mga lokalidad na maaaring maging biktima ng pag-atake ng NPA. "Patuloy itong [pag-atake] gagawin ng NPA kaya naman kailangang laging handa ang mga pamahalaang lokal sa kanilang mga pag-atake."

Hinikayat niya ang mga pamahalaang lokal na makipag-ugnayan sa PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang patibayin at paigtingin ang seguridad sa paligid ng mga proyekto ng pamahalaan sapagkat napatunayan na ang mga ito ang pinupuntirya ng NPA.

“Hindi na lang ngayon mga inosenteng tao ang kanilang pinupuntirya, pati mga proyekto ng pamahalaan ay sinasalakay na din nila. Sa mga pamahalaang lokal, lagi kayong maging alerto. Nakahandang umalalay ang PNP at AFP sa inyo,” aniya.

Binanggit din ng DILG Chief na ang pag-atake sa Bicol International Airport ay hindi ang unang pagkakataon na inatake ng NPA ang mga prayoridad na proyekto ng pamahalaan. Dalawang buwan lamang ang nakalilipas, inatake ng NPA ang mga sundalo na nakatalaga sa Samar Pacific Road Project na nagbunga sa pagkamatay ng tatlong katao, isa mula sa 63rd Infantry Battalion at dalawa mula sa pangkat ng rebeldeng grupo.