NEWS

DILG-Napolcom isasailalim sa 7-day lockdown; serbisyo sa publiko tuloy-tuloy

July 6, 2020

Isinailalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang DILG-Napolcom Center building sa EDSA malapit sa Quezon Avenue sa Quezon City sa 7-day lockdown simula ngayong araw bilang pag-iingat matapos ang ulat na isa sa senior officials nito ay nag-positibo sa Covid-19.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, hindi nito maapektuhan ang paghahatid ng serbisyo ng kagawaran sa Central Office sapagkat maaari namang mag-Work from Home (WFH) at puwedeng tumanggap at magpalabas ng dokumento ang ground lobby ng nasabing building.

“Batid namin na ang DILG ay isa sa mga pangunahing ahensya na tumutulong sa laban sa pandemya kung kaya’t hindi kami puwedeng magtigil operasyon. Makakapagtrabaho pa rin ang aming mga opisyal sa labas ng DILG-Napolcom Center o sa kanilang mga tahanan habang fully operational pa rin ang aming mga attached agencies, lalo na ang PNP, BJMP, at BFP,” ani Malaya.

Dagdag pa niya na mananatili ang operasyon ng bawat tanggapan ng DILG hanggang sa mga field units nito.

“Kami sa DILG ay pursigido na paigtingin ang kapasidad ng mga local government units at pangasiwaan ang public order at safety institutions kahit mayroong pandemya,” dagdag nito.

Sinabi ni Malaya na habang naka-lockdown ang buong building, magsasagawa ng disinfection sa buong opisina at contact tracing sa lahat ng mga kawani nito.

Ang ‘No Visitor Policy’ ay mahigpit pa ring pinaiiral habang ipinahihinto naman ang pagpasok at paglabas ng mga DILG personnel. Sa mga importanteng pagkakataon na kailangang pumasok ng mga mataas na opisyal sa gusali, sila din ay inaasahang hindi muna makipag-ugnayan sa ibang tanggapan.

Dahil sa WFH na arrangement ng mga DILG personnel, pinayuhan ang publiko na ipadaan ang lahat ng opisyal na transaksyon kaugnay ang Kagawaran sa pamamagitan ng email, telepono, at social media sa oras ng opisina.

Nakatakdang tanggalin ang lockdown sa July 13, 2020 kung kailan magre-resume muli ang regular na oras ng trabaho.