NEWS

DILG: Mahigit 4,000 dating rebelde, militia ng bayan, nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa E-CLIP sa nakaraang 3 taon

July 6, 2020

Mahigit 4,000 dating rebelde at militia ng bayan ang nabigyan ng tulong pinansiyal at iba pang uri ng assistance na umabot na sa kabuuang halagang P304.43 milyon sa nakaraang tatlong taon sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, maraming rebelde at militia ng bayan ang bumaba mula sa mga bundok sa panahon ng ECQ at kasalukuyang pinoproseso ng pamahalaan. “Nung panahon ng ECQ, madami sa mga nasa bundok ay nagsibabaan dahil napag-isip-isip nila na wala ng kahihinatnan ang kanilang patay na adhikain,” aniya.

Ang E-CLIP, na pinangangasiwaan ng DILG, ay nagbibigay sa bawat kwalipikadong rebel surrenderer ng agarang tulong pinansiyal na P15,000, tulong na pang-pangkabuhayan na P50,000, at reintegration assistance na P21,000. May katumbas ding kabayaran ang bawat armas na sinusuko nila.

“Kahit sa gitna ng pandemya, hindi tumigil ang pamahalaan sa pagyakag sa ating mga kapatid na naligaw ng landas na talikuran na ang kanilang maling ideolohiya at magbagong-buhay. Patunay lamang ito ng tunay na pagmamalasakit at busilak na pagnanais ng pamahalaan na magkaroon ng kapayapaan,” aniya.

Nanawagan siya sa mga rebelde na patuloy na sumuko na at maging produktibong bahagi muli ng lipunan. “Panahon na para bumaba na kayo at makipagtulungan kayo sa pamahalaan. Nakahanda kayong tulungan ng DILG,” aniya.

Sa kabuuang P304.43-milyon na tulong, P58.845-milyon ay para sa agarang tulong sa 3,923 na former rebels (FRs), P121.250-milyon ang kumakatawan naman sa tulong pang-pangkabuhayan sa 2,426 FRs, P57.217-milyon ay para sa mga isinukong armas ng 858 FRs, at P67.116-milyon ay binigay bilang reintegration assistance sa 3,196 FRs.

Sa 4,190 na benepisyaryo ng ECLIP hanggang Mayo 31, 2020, 2,646 sa kanila ang regular na miyembro ng New People’s Army (NPA) habang 1,544 naman ang militia ng bayan. Ang militia ng bayan ay ang mga katulong ng Communist Party of the Philippines sa pagtatanim ng mga bomba o sa pang-aambush sa mga pwersa ng pamahalaan.

Ang E-CLIP ay isang programang pinangungunahan, pinapangasiwaan at ipinapatupad sa local level na malayo sa mga naunang pre-packaged interventions mula sa pambansang pamahalaan. Katuwang sa implementasyon ang mga probinsya at Highly Urbanized City (P/HUC) bilang focal authority.

Sinabi ni Año na ang pagsisikap ng gobyerno na tulungan ang mga dating rebelde ay nakatuon sa Mindanao dahil ang karamihan sa mga pwersa ng NPA ay naroroon ngayon, lalo na ang Davao Region na may 1,035 na benepisyaryo; Hilagang Mindanao na may 498 benepisyaryo, Caraga na may 496 na benepisyaryo; SOCSKSARGEN na may 370 na benepisyaryo; at Zamboanga Peninsula na may 159 na benepisyaryo.

Sa Luzon, binigyan din ng Kagawaran ng E-CLIP assistance ang 245 na benepisyaryo sa Bicol Region, 203 sa MIMAROPA, 174 sa Gitnang Luzon, 179 sa Cordillera Administrative Region, 101 sa Cagayan Valley, 27 sa Ilocos Region, at pito sa National Capital Region.

Sa Visayas, mayroong 349 mga benepisyaryo ng ECLIP sa Eastern Visayas, 121 sa Western Visayas, at 72 sa Central Visayas.

Inaasahan ni Año na habang patungo na tayo sa new normal, mas marami pang dating rebelde ang ititigil na ang kanilang armadong pakikibaka at magbabalik-loob na sa pamahalaan upang makamit ang mga tulong mula sa E-CLIP na inalok ng gobyerno sa panahon ng administrasyong Duterte.

Sa ilalim ng E-CLIP, nagkapagbigay din ang DILG ng tulong pinansiyal sa 38 na mga local government unit sa halagang P5-milyon para sa pagpapatayo ng mga halfway houses na magsisilbing pansamantalang tuluyan ng mga dating rebelde habang ang kanilang mga dokumento bilang benepisyaryo ng E-CLIP ng gobyerno ay pinoproseso. Ang mga halfway houses ay nagsisilbi ding pasilidad sa pagsasanay para sa mga FRs.

Sa ngayon, apat na LGUs na ang nakumpleto ang pagtatayo ng kanilang mga halfway houses, kabilang ang Davao Oriental, Occidental Mindoro, Agusan del Sur at Surigao del Norte. Ang mga halfway houses ng walong LGUs —ang Apayao, Ilocos Sur, Cagayan, Quirino, Camarines Norte, Misamis Occidental, Davao del Norte at Agusan del Norte — ay kasalukuyang itinatayo. Samantala, 26 na LGU ang nasa bidding at procurement stage.

Kabilang sa mga sumukong rebelde na tinulungan ng Kagawaran sa pamamagitan ng ECLIP ay si Alyas "Cardo," isang 49-anyos na residente ng Tubungan na isang mataas na opisyal ng NPA sa Southern Front, Komiteng Rehiyon-Panay, at si Fausto Musngi Daprosa, isang miyembro ng NPA ng Siay, Zamboanga Sibugay.