NEWS

DILG: Mahigit 15k PDLs pinalaya upang ma-decongest ang mga piitan ng BJMP

July 2, 2020

Sinabi ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na higit sa 15,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya mula sa mga piitan sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) mula Marso 17 hanggang Hunyo 22 bilang bahagi ng decongestion program sa pagtugon sa pandemyang COVID-19.

“Ang paglaya ng libo-libong PDLs ay patunay na hindi sila nakakaligtaan at hindi pinapabayaan. Patunay rin itong gumagana ang justice system sa bansa kahit pa man may pandemya,” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año matapos sabihin ng mga leftist na organisasyon na hindi sapat ang ginagawa ng pamahalaan para ma-decongest ang mga bilangguan.

Sa 15,322 na pinalayang PDLs, 5,910 ay mula sa National Capital Region; 1,557 ay mula sa CALABARZON; 1,487 mula sa Central Visayas; 1,041 mula sa Central Luzon; 897 mula sa Zamboanga Peninsula; 762 mula sa Northern Mindanao; at ang natitira ay mula sa ibang mga rehiyon. Ang karamihan sa mga pinalayang na PDL ay mga matatanda at mga nakagawa ng magaan o bailable offenses.

"Ang lahat ng mga PDLs na ito ay pinalaya sa bisa ng kapangyarihan ng mga korte, habang ang iba naman ay naaayon sa mga bagong alituntunin na inilabas ng Korte Suprema dahil sa pandemya," aniya.

Sa kabila ng mga limitasyon sa badyet at tauhan ng BJMP, sinabi ni Año na nagtayo ang BJMP ng mga COVID-19 Isolation Centers sa mga rehiyon na may medical staff support mula sa Kagawaran ng Kalusugan, Local Health Units ng mga lokal na pamahalaan, at ginagamit ang Telemedicine, isang medical consultation program kung saan ang mga medical practitioners ay gagamit ng teknolohiya.

Ang anim na Ligtas COVID Centers na may kabuuang 918-bed capacity ay itinatag sa Quezon City, San Fernando City, Cebu City, Mandaue City, Pagbilao sa lalawigan ng Quezon, at Zamboanga City.

Pinaigting pa ng Bureau ang triaging process, pagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga pasyente, pagsasagawa ng daily disinfection sa mga kulungan, targeted and expanded testing, at massive health education campaigns sa loob ng mga piitan. Kasabay ito ng pangkaraniwang mga pag-iingat tulad ng pagsusuot ng face mask, thermal scanning, paggamit ng mga foot baths, hand washing, at pagpapanatili ng kalinisan.

Kahit pa maraming responsibilidad ang ipinagkakatiwala sa DILG ngayong COVID-19 crisis ay hindi isinasantabi ng Kagawaran at ng BJMP ang PDLs. Tinitiyak namin ang kapakanan at kaligtasan nila,” aniya.

Binigyang diin ng DILG Chief na ang bilang ng mga PDLs na gumagaling mula sa COVID-19 ay patuloy na tumataas. Sa ngayon, 549 sa 783 na ang kumpirmadong kaso sa mga PDL, at 90 sa 135 na kaso naman sa mga tauhan ng BJMP ay gumaling na.

Tinututukan po namin ang sitwasyon sa mga BJMP jail sa buong bansa at hindi namin pinapabayaan ang mga COVID-19 positive cases. Sa katunayan, marami na ang gumaling at hindi kami bibitaw hanggang bawat isa sa kanila ay maka-recover na,” sabi ng hepe ng DILG.

Dahil balakid ang physical distancing sa loob ng mga piitan, sinabi niya na pinalawak din ng BJMP ang programang electronic dalaw (e-Dalaw) kaugnay sa pansamantalang pagsuspinde ng pagbisita para sa lahat.

1,312 PDLs ang nakalaya na dahil sa SC guidelines

Sinabi naman ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya na ang pagpapalaya sa 15,322 PDLs ay hindi arbitrary, bagkus ay naaayon sa batas ng mga korte at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Public Attorney's Office (PAO) na nagsimula noong Marso 17.

Sa 15,322 na nakalayang PDLs, 1,312 ang pinakawalan dahil sa bagong guidelines na inilabas ng Korte Suprema upang ma-decongest ang mga kulungan.

Kabilang dito ang Administrative Circular (AC) No. 33 –2020 na supplemented ng Office of the Court Administrator (OCA) Circular No. 89 –2020 na nagpapahintulot sa electronic filing of information at transmission of release orders; ang OCA Circular No. 91 –2020 na nagpaalala sa mga alituntunin sa pagpapalaya ng mga qualified PDLs sa pamamagitan ng self-recognizance at provisional dismissal; at AC No. 37 –2020, na nagpapahintulot sa pilot testing sa pagdinig sa mga kaso gamit ang videoconference ng mga kagyat na usapin sa mga kasong kriminal na kinasasangkutan ng mga PDLs.

"Malugod na tinatanggap ng DILG ang mga patnubay ng Korte Suprema sa pagtugon sa mga napunong piitan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at mapalaya ang mga karapat-dapat na PDL," sabi ni Malaya.