NEWS

ADVISORY

DILG: Magtalaga ng OFW Desks para sa mga balikbayang OFW sa gitna ng COVID-19

May 1, 2020

Upang mapadali ang pag-uwi ng mga overseas Filipino workers (OFW) na apektado ng global coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang lugar, inatasan ng Department of the Interior and Local Government ang mga regional offices na magtakda ng OFW Desks at magtalaga ng mga desk officers sa mga rehiyon, lalawigan, highly urbanized cities (HUCs) at mga independent component cities (ICCs).

“Kami po ay nakatatanggap ng mga ulat na ang ilang OFW ay hindi pinapayagang pumasok sa kanilang mga pamayanan o sa mga health facilities sa kanilang lugar para sumailalim sa 14-day quarantine,” ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año.

“Wala tayong puwang para sa miscommunication o misinformation. Kaya magkakaroon ang Kagawaran ng mga OFW Desk sa Regional Offices pati ang pagtatalaga ng desk officer sa bawat rehiyon, lalawigan, at lungsod. Tutulungan natin silang makauwi sa kanilang mga kaanak pagkatapos ng required quarantine period,” dagdag ni Año.

Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular No. 2020-075, inatasan ni Año ang lahat ng mga regional director at ang BARMM Minister of Local Government na italaga bilang DILG OFW Desk Officer ang Local Government Operations Officer (LGOO) ng mga DILG City and Municipal Field Offices sa mga lungsod at munisipyo.

Ang pangunahing tungkulin ng DILG OFW Desk Officer ay makipag-ugnayan sa local chief executive (LCE) at magsumite ng mga impormasyon tungkol sa mga dumadating na OFW. Dapat nilang tiyakin na ibibigay ng mga local government units (LGUs), pati na ang BARMM, ang kinakailangang tulong sa mga OFW.

Kailangan ding bantayan ng OFW Desk Officer ang estado ng kalusugan ng mga balikbayan sa tulong ng city or municipal health workers, barangay health workers, o mga kasapi ng mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).

Ayon kay Año, ang pagtatayo ng mga DILG OFW Desk ay naaayon sa Resolution No. 14 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-MEID) na nag-uutos na asikasuhin ang mga nagigipit na OFW.

Dahil marami nang low-risk na LGU ang sasailalim na sa general community quarantine (GCQ) simula sa Mayo 1, 2020, inaasahan ni Año na maraming OFW ang magnanais na makauwi sa kanilang mga probinsiya.

Sa kabila nito, idiniin ni Año sa 12th L!stong Ugnayan Online Forum ng Local Government Academy na kailangang i-quarantine muna ang mga OFW ng 14 araw sa Metro Manila.

“Mahirap iyon kasi meron na tayong insidente na nalusutan tayo. Sabi ay COVID-free siya pagkatapos siya raw ay okay na at nag-quarantine na. Pagkatapos umuwi ng bahay, nakapag-infect siya. Mahirap iyong ganoon,” he said.

“Katulad noong nangyari sa Cebu, naging 200 [positive COVID-19 cases] talaga siya, mahirap iyong ganoon. Para siguraduhin natin na safe talaga, dito [Metro Manila] na lang muna sila mag-quarantine bago natin ibigay sa LGUs. Pagdating sa LGUs, kung requirement ng LGUs ay mag-quarantine pa siya, puwede na siyang home quarantine,” dagdag ni Año.

Iniulat ni Año na mahigit sa 8,000 OFW na ang nakabalik sa bansa at sumailalim sa 14-day quarantine.