NEWS

DILG: LGUs na planong mag-donate ng gadgets, dapat sundin ang technical specs ng DepEd

June 19, 2020

Alinsunod sa plano ng mga local government units (LGUs) na magkaloob ng mga tablets at iba pang learning gadgets sa kanilang mga pampublikong paaralan, hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga ito na siguruhing naaayon ito sa itinalang minimum technical specifications ng Department of Education (DepEd).

“Nais naming makapag-adjust ang mga paaralan, lalo na ang mga guro at istudyante, sa new normal ng edukasyon na dulot ng pandemya, ngunit ayaw naming masayang ang mga mamahaling gadgets at gusto naming mapakinabangan nang husto ang mga ‘to. Dahil dito, hinihikayat namin ang mga LGUs na sunsin ang technical specs na pinalabas ng DepEd kung gusto nilang mag-donate ng mga ICT equipment,” sabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya.

Sa isang memorandum circular para sa mga governors, mayors, at punong barangay, pinaalahanan ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang mga LGUs na sumunod sa technical specs na inilabas ng DepEd, at isantabi ang pagbili ng services software gaya ng Microsoft Office dahil ang DepEd na ang bahala sa installation ng mga ito dahil meron silang special Volume Licensing Agreement sa Microsoft.

Sinabi ni Malaya na maaaring ayusin ng DepEd ang “Email Eligibility” ng mga LGU-donors mula sa Microsoft na maaaring ibigay sa mga device manufacturers para sa mga bagong kagamitan na mas mura ang halaga o discounted na Windows 10 Operating System.

Ayon pa kay Malaya, maaaring magbigay ng ICT gadgets ang mga LGUs sa pamamagitan ng Deed of Donation o commodatum na may written agreement para ipagkaloob sa Schools Division Office (SDO) o sa pampublikong paaralan mismo. “Ito ay para lang maayos ang recording at accountability,” dagdag ni Malaya.

Pinuri din niya sina Biñan City Mayor Arman Dimaguila, Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, Manila City Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto sa paglaan ng pondo para sa mga donasyon ng ICT gadgets sa mga pambulikong paaralan upang makatulong sa mga guro at mga estudyante na ipagpatuloy ang pag-aaral sa kanilang mga tahanan kahit may pandemya.

“Saludo po ang DILG sa mga LGUs na nakaprograma nang mag-donate ng mga laptops, tablets at smartphones at nagpapamalas ng kanilang pagmamalasakit sa mga eskuwelahan, estudyante at mga guro. Malaking tulong ang maihahatid ng inyong donasyon sa pagsasayos ng distance education initiatives ng pamahalaan,” ani Malaya.

Kamakailan lamang, nagbigay si Mayor Dimaguila ng 151 Lenovo laptop computers at 200 75-inch Smart TVs para sa mga pampublikong paaralan at guro ng Biñan. Si Mayor Olivarez naman ay nakatakdang mag-donate ng 7,000 tablets sa mga mag-aaral sa kindergarten at Grade 1, pati na rin 300 laptops at internet allowance sa mga pampublikong paaralan ng Parañaque, habang si Mayor Isko naman ay gumagawa ng hakbang upang makapamahagi ng 110,000 tablets na may SIM cards at 11,000 laptops na may kasama na ring pocket Wi-Fi devices para naman sa mga pampublikong paaralan, guro, at mag-aaral ng Maynila.

Nakalagay sa DILG Memorandum ang sumusunod na minimum specs para sa mga laptops na maaaring i-donate: processor na may 1.6Ghz Based Speed at Turbo Speed; screen size na 13 inches, Resolution: 1920 x 1080 (Full HD), 1080p Anti-Glare LED-Backlit o IPS Techn010U; memory na abot sa 8 GB RAM; storage NA 512 GB HDD SATA; at connectivity na Wireless LAN 802.11 b/ g /n/ac Bluetooth.

Para sa mga tablets naman ay: Quad-core 1.3 GHz processor; 8 inches na display size; display resolution na 800 x 1280 Pixels; 32 GB storage; at 4G LTE (Optional, Preferred) Wi-Fi 802.11 b/g/n Bluetooth network.

Ang mga sumusunod naman ay para sa mga smartphones: Octa-core 2.0 GHz processor; 6 inches display size;!a display type ona IPS LCD Display; display resolution na 720 x 1520 Pixels; 32 GB storage; network na GSM / HSPA / LTE Wi-Fi 802.11 b/g/n Bluetooth; at may dual SIM.