NEWS

DILG: Kapayapaan, kaayusan sa mga lalawigan susi sa Balik Probinsiya program

April 29, 2020

Kailangang simulan na ng mga local government units ang paghahanda para sa isang mapayapang lipunan para sa kalakalan pagkalipas ng enhanced community quarantine upang matiyak ang tagumpay ng panukalang programang “Balik-Probinsiya” ng pamahalaan, ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

“Kung nais nating magtagumpay ang Balik-Probinsiya program, kailangang panatiliin ang katahimikan at kaayusan sa lahat ng lalawigan at ang ibig sabihin nito ay tapusin na ang problema tungkol sa CPP-NPA sa lahat ng kanilang nasasakupan. Kaya sang-ayon kami sa utos ng Pangulo na tapusin na ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng ito na nagpakita ng kanilang tunay na kulay sa mga tao,” pagdidiin ni Año.

Idinagdag ng Kalihim na pagkalipas ng ECQ, dapat lutasin ng mga lokal na pamahalaan sa labas ng Kamaynilaan ang mga suliranin nila sa kapayapaan at kaayusan upang masimulan ang pagdaloy ng salapi sa kanilang lugar at mahikayat ang mga taga-Maynila na bumalik sa kanilang bayang kinalakhan.

“Natural, walang negosyanteng matino ang mamumuhunan sa mga lugar na hindi papanatag ang kanyang kalooban na mangalakal ng mapayapa at mapalago ang kanyang pinundar. Dapat nating ilatag ang mga kundisyon upang sumigla ang ekonomiya,” paliwanag niya.

Binanggit ni Año ang dinanas ng mga investors sa mga pamayanang may mga rebelde at terorista na lumusob sa mga pasilidad ng telecom at transportasyon. Sa ibang lugar naman, dinukot ng mga rebelde ang mga tao at sinaktan ang mga empleyado. Ang mga matagalang labor disputes ay nakakaparalisa rin sa mga negosyo.

Ang programang Balik Probinsiya ay panukala ni Sen. Bong Go upang mapaluwag ang Metro Manila, kung saan pinakamaraming kaso ng COVID-19 ang naitala. Nagpahayag ng pagsuporta ang DILG sa programa kung mapapalawig ang kapayapaan at kaayusan at ang mga kinakailangang imprastraktura ay mailatag upang huwag nang maisipan pang bumalik ng mga tao sa Kamaynilaan.

Ayon naman sa tagapagsalita ng DILG na si Usec. Jonathan Malaya, ang isang mapayapang kapaligiran ang magbibigay-daan sa paghahanda ng mga imprastrakturang kailangan upang makalikha ng mga negosyo at mga mini-economic zones.

Dapat aniyang palawakin ang pagbabantay ng mga barangay tanod at palakasin ang ugnayan nila sa mga kapulisan, mga kasundaluhan at mga peace and order council. Dapat ding maging maayos ang pag-uulat ng mga kaso at pagsubaybay sa feedback upang mapanatili ang pagiging praktikal at makabuluhan ng kanilang mga ginagawa.

“Kapag mapayapa ang lugar para sa mga negosyo, maaakit ang mga negosyante. Hindi natin maaaring basta pauwiin ang mga tao sa probinsiya kung walang pagkakataong makapagtrabaho o mamuhunan doon. Kailangan nating ihanda ang mga probinsiya sa kanilang pagbabalik,” pagtatapos niya.