NEWS

ADVISORY

DILG: Hindi pinapayagan ang "sabong" sa GCQ at MGCQ

June 5, 2020

Sa kabila ng mas maluwag na alituntunin sa ilalim ng general community quarantine (GCQ), pinaalala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ngayon na ang pagsasabong (cockfighting) ay hindi pa rin pinahihintulutan sa ilalim ng GCQ o MGCQ matapos makatanggap ng mga ulat ang kagawaran na may mga ibang LGUs na pinapayagan na ang ganitong operasyon.

“Bagamat mas maluwag po ang ating mga kautusan, bawal pa din ang sabong saan mang bahagi ng mga lugar na nasa ilalim ng GCQ o MGCQ habang patuloy nating pinipigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa,” sabi ni Año.

“Ang GCQ po ay hindi para magawa po natin ang mga gusto nating gawin tulad ng pagsasabong; ito po ay para gumulong ulit ang ekonomiya. Ang GCQ o MGCQ ay hindi nangangahulugang wala ng virus kaya dapat maging listo tayo,” dagdag niya.

Binibigyang diin ni Año na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ay hindi naglabas ng anumang resolusyon na magpapahintulot sa pagpapatakbo ng mga cockpit arenas.

“Ang sabong po ay hindi pa din po pinapayagan sa ilalim ng GCQ o MGCQ. Patuloy po ang paalala natin sa ating mga kababayan na ang mapapatunayang lumabag sa kautusan na ito ay mapaparusahan,” sabi niya.

Pinaalalahanan ni Año ang mga local government units (LGUs) na bantayan ang mga cockpit arenas o maging ang mga pamayanan at kanayunan na kanilang nasasakupan upang matiyak na sumusunod sila sa mga polisiya ng IATF at ng DILG. “Bantayan po natin ang mga sabungan na ito at huwag natin silang payagaang magbukas dahi ito po ay labag sa batas,” sabi niya.

Samantala, pinabulaanan ni Año ang sinasabi ng Globaltech Mobile Online Corp sa Ilocos Region na naglabas siya ng pahayag na ang mga gaming establishments ay pinahihintulutan nang magbukas sa ilalim ng GCQ. “Wala pong katotohanan ito, sumusunod lamang po tayo sa mga panuntunan ng IATF at wala po tayong ipinahayag na ang mga gaming activities ay papayagan sa ilalim ng GCQ.”

“Hindi po tayo lilihis sa kung ano po ang ipinaiiral ng IATF at ni Presidente at ang mga paratang ng Globaltech Mobile Online Corp ay hindi totoo,” dagdag niya.

Reaksyon ito ni Año sa isang liham na ipinadala ng nasabing kumpanya noong Mayo 21, 2020 kay PNP Region 1 Director PBGen. Rodolfo A. Azurin, Jr. na nagsasabing “inihayag at kinumpirma niya sa isang pambansang brodkast ng PTV4 na ang ‘gaming’ ay pinahihintulutan na ngayon, hangga't ang mga operators at mga kalahok ay tatalima sa minimum health standards at protocols na itinakda ng Kagawaran ng Kalusugan.”

Sinabi niya na ang liham ng Globaltech ay walang katotohanan sapagkat hindi siya naglabas ng ganung pahayag, binibigyang diin na malinaw sa kanya na ang mga gaming activities at establishments ay hindi pa rin papayagan sa ilalim ng mga kalukuyang resolusyon ng IATF.

Ayon sa DTI memorandum na binabanggit ang mga business establishments o activities na pinapayagan sa ilalim ng enhanced community quarantine at GCQ, ang Category IV na kinabibilangan ng anumang amusement, leisure, gaming at tourism establishments kung saan mag-iipon-ipon ang mga tao” ay hindi pa rin pinahihintulutan.

Sinabi niya na ang mga matitigas ang ulong gaming establishments na magbubukas pa rin sa kabila ng mga direktiba ng mga ahensya ng gobyerno at ng IATF ay pananagutin at maaaring maparusahan sa ilalim ng batas. “Huwag na pong matigas ang ulo, tayo po ay nasa krisis, sumunod po tayo sa batas.”