NEWS

DILG: Hindi anti-human rights ang Anti-Terrorism Bill, mga terorista lamang ang dapat matakot dito

June 4, 2020

Ang panukalang batas na Anti-Terrorism Bill ay hindi anti-human rights at sa halip ay pinoprotektahan nito ang mga karapatan ng mga inosenteng tao mula sa mga terorista, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Salungat sa mga pahayag ng mga kritiko, ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, layon ng Anti-Terrorism Bill na burahin na ang terorismo sa bansa. “Ang layon ng Anti-Terrorism Bill ay puksain ang terorismo sa bansa. Walang dapat ikatakot ang mga tao dito. Mga terorista at kanilang mga tagasuporta lamang ang dapat matakot dito,” aniya.

“Ang panukala ay isang mapusok at napapanahong pagbabago sa ating mga sandata laban sa lahat ng uri ng terorismo, maging Komunista man o mga violent extremists na naging salot na sa ating bansa nang ilang taon. Ang paglusob sa Marawi ng Maute Group at iba pang grupong kahanay ng ISIS, at ang mga atake ng mga Komunista sa mga sibilyan ay isang malinaw at kasalukuyang panganib sa buhay ng ating mga kababayan,” sabi ni Año.

Nilinaw ng kalihim ng DILG na “Ang Anti-Terrorism Bill ay isinulong hindi upang labagin ang karapatang pantao. Ang pag-aakala na ang Kongreso ay magpapasa ng batas na magbabalewala sa mga karapatan ng mga Pilipino ay hindi makatotohanan. Ang batas na ito ay para sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mamamayan, at pagdurog sa terorismo na matagal ng problema ng ating bansa,” paliwanag niya.

“Bilang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nakakakita ng problemang dala ng mga teroristang ito sa mga pamahalaang lokal, kami ay nagpapasalamat sa Kongreso sa pagpasa nila sa panukalang batas,” dagdag pa ni Año.

Tiniyak niya sa publiko na ang panukalang batas ay para lamang sa pagpuksa ng terorismo sa bansa. “Ang terorismo ay banta na nangyayari hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo at ito po ay para sa kaligtasan ng lahat at pinag-isipang mabuti at sinisigurado po nating walang pang-aabusong mangyayari.”

Ang panukalang batas ay nauna nang inaprubaahan ng Senado noong Pebrero. Ito ay isang hakbang na lamang bago maipasa ng Mababang Kapulungan. Sinertipikahang urgent ito kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Layon nitong amiyendahan ang mga probisyon ng Human Security Act of 2007. “Ang batas na ito ay lipas na,” ayon kay Año, “at hindi naging epektibo dahil bulag sa katotohanang nangyayari sa baba.”

Pagtutuwid

Isiniwalat ng kalihim na nahirapan silang magsagawa ng anti-terror operations sa ilalim ng lumang batas. Sa kabila nito, nakasaad pa rin sa panukalang batas ang mga proteksiyon laban sa torture at iba pang iligal na gawain.

Pinasinungalingan ni Año ang pahayag na ang panukalang batas ay magbibigay-daan sa mga abuso ng kapulisan. Sa katunayan, pinagtitibay nito ang kapangyarihan ng mga alagad ng batas na protektahan ang mga tao sa banta ng terorismo habang pinangangalagaan ang mga karapatan ng mga naaakusahan ng krimeng ito.

Makukulong ng sampung taon ang sinumang alagad ng batas na lalabag sa karapatan ng mga taong makukulong. “Mapaparusahan po ang sinumang lumabag sa karapatang-pantao ng mga masasakdal na mga terorista, tinitiyak din po iyan ng Anti-Terrorism Bill.”

Ipinaliwanag pa niya na sila lamang na magmumungkahi, magbubuyo, magsasabwatan at makikibahagi sa pagpaplano, pagtuturo, paghahanda at pagbibigay-daan sa mga gawaing terorista, at ang mga mag-aambag at magre-recruit ng mga kasapi sa mga teroristang grupo ang mga papatawan ng parusa ng panukalang batas.

Itinanggi rin ng kalihim na sisikilin ng Anti-Terror Bill ang karapatan ng mga taong magpahayag ng kanilang saloobin laban sa pamahalaan. “Bilang mga taong gobyerno, sanay po kami diyan, sa katunayan tinatanggap namin iyan dahil ito naman po ang esensya ng isang demokratikong pamahalaan. Wala pong ganyan kahit saan man sa bill na ito.”

Nilinaw niya sa wikang Ingles na “terrorism shall not include advocacy, protest, dissent, stoppage of work, industrial or mass action, and other similar exercises of civil and political rights.”