NEWS

DILG: Halos 5 libong LSIs nakauwi na, 2 libo pa ihahatid ngayong linggo

July 28, 2020

Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na halos 5,000 locally stranded individuals (LSI) ang nakauwi na sa kani-kanilang probinsiya sa ilalim ng ikalawang yugto ng Hatid Tulong program ng pamahalaan sa nakalipas na tatlong araw at mahigit sa 2,000 pa ang ihahatid sa linggong ito.

“Sa tulong ng ibang ahensiya ng pamahalaan at ng pribadong sector, 4,793 LSI ang nakapiling na muli ang kanilang mga pamilya pagkaraang ma-stranded sa Metro Manila dahil sa pandemya. May 2,000 pang mga LSI ang kasalukuyang pinoproseso na karamihan ay mga walk-in na nagtungo sa Rizal Memorial Stadium ang maihahatid namin sa linggong ito,” ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sa 4,793 LSI, 35 ay patungong Region I; Region II (696); MIMAROPA (11); Region V (149); Region VI (623); Region VII (325); Region VIII (696); Region X (56); Region XI (517); Region XII (724); Region XIII (1,512); at CAR (39).

Ang 2,000 LSI na naiwan sa Rizal Memorial Stadium ay naghihintay maihatid sa Zamboanga, Butuan, at Davao.

“Hindi natin sila basta-basta pinapauwi sa kani-kanilang mga probinsiya. Pinapascreen muna natin sila sa mga doktor mula sa DOH at PCG at sumasailalim sila sa rapid test bago sila sumasakay sa mga bus and barko,” ayon sa DILG Chief.

Ayon kay Año, ang mga positibo sa COVID-19 ay dinala sa isang isolation facility upang gamutin. Ang mga negatibo sa virus ay binigyan ng travel authority alinsunod sa DILG Memorandum Circular 2020-085.

“Hindi doon nagtapos ang tulong ng gobyerno. Bago sila sumakay, tumanggap ang mga LSI ng food package at financial assistance mula sa the Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA),” aniya.

Dagdag pa ni Año, ang mga LSI ay pinahatid sa kanilang probinsiya sakay ng 70 bus ng League of Municipalities (LMP), tatlong barko ng Philippine Coast Guard (PCG), barko ng 2Go, at mga tren ng Philippine National Railways (PNR). Samantala, ang listahan ng mga hinatid ay inendorso sa mga DILG regional offices para maalalayan hanggang sa kanilang patutunguhang local government unit (LGU).

“Nagpapasalamat kami sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno pati na ang mga LGUs at ang private sector sa pakikiisa na ipinakita nila sa Hatid Tulong Program at sa kanilang malasakit para sa ating mga kababayang na-stranded dahil sa pandemic,” anang kalihim.

Ang ikalawang yugto ng Hatid Tulong program ay pinagtulung-tulungan ng Presidential Management Staff (PMS), DILG, LMP, DSWD, DA, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Transportation, Department of Energy, Philippine National Police, Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), PSG, 2Go, PNR, DOH, NHA, Partas Bus Line, AFP, DOLE, LTFRB. Ang mga ito ay pinamunuan ng PMS.

Muli nating pinatunayan ang pusong bayanihan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga national government agencies at private sector para makauwi nang maayos at ligtas ang mga LSI sa kani-kanilang mga probinsiya. Pati ang ating mga uniformed personnel ay nagsilbing porter at nagbuhat ng malalaking bagahe at inalalayan ang mga LSI sa kanilang mga bus; tinulungan din nila ang mga senior citizens, mga buntis at mga bata,” kuwento ng kalihim.

Nanawagan si Año ng mas malalim na pang-unawa sa mga LSI na hindi rehistrado at nagtungo sa stadium na ‘di agad maasikaso dahil may moratorium ang kanilang mga LGU.

“Dinala sila sa isang temporary shelter sa isang housing project ng National Housing Authority (NHA) sa San Jose del Monte, Bulacan sakay ng apat na bus. Hindi natin sila pinabayaan,” aniya.

SA mga susunod na Hatid Tulong program, sinabi ni Año na magtatalaga sila ng isang jump-off point sa bawa’t rehiyong hahatiran ng mga LSI upang ‘di maulit ang nangyari nitong katapusan ng linggo nang daan-daang tao na hindi rehistrado ay nagtungo sa Rizal Stadium upang makasali sa libreng sakay program.

Mapanghamon

Samantala, sinabi ni DILG Spokesperson and Undersecretary Jonathan Malaya na mas mapanghamon ang ikalawang yugto ng Hatid Tulong dahil sa dami ng tao nitong katatapos na linggo at ang ‘di inaasahang pagdagsa ng walk-in applicants.

“Dinagsa nila ang stadium ilang araw bago ang paghahatid dahil lahat ay nais makasali sa libreng sakay pauwi sa kanilang mga probinsiya at marami ang di nagparehistro. Ang mahalaga ay hindi naming sila iniwan sa mga kalsada. Ginawa namin ang aming makakaya at pinapasok sila sa Rizal Stadium at pinaalalahanang sumunod sa health protocols,” ani Malaya.

Idinagdag niya na ang bilang nag mga LSI ay lumobo nang husto dahil bukod sa mga LSI, pumunta rin ang mga nawalan ng trabaho at tirahan dahil sa lockdown.

“May malasakit po ang pamahalaan. Hindi namin puwedeng ipagtabuyan ang mga walk-in na tao. Ang iba naman sa kanila ay hindi na LSI at gusto lamang makauwi sa kanilang probinsiya. Ngunit, naayos naman ang lahat at libo-libo na ang nakauwi,” he said.

“Hindi sila maaaring talikuran ng gobyerno dahil lahat tayo ay biktima ng pandemya. Ang mahalaga ay kumilos ang pamahalaan at tinulungan sila sa oras ng kanilang pangangailangan,” pagtatapos niya.