NEWS

ADVISORY

DILG: Halos 3M kabahayan sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Yolanda nakikinabang sa P1.278-B na mga proyekto

August 7, 2019

Halos tatlong milyong kabahayan ang ngayo'y nakikinabang sa 308 na pinaayos na mga municipal facility na nagkakahalaga ng P1.278-bilyon sa limang rehiyon na lubos o bahagyang nasira bunga nang pananalasa ng Bagyong Yolanda noong 2013, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na kabilang sa 308 na pasilidad na pinaayos sa pamamagitan ng unang batch ng Recovery Assistance for Yolanda (RAY) program ng Kagawaran ang 98 civic centers, 103 municipal halls, 106 pampublikong pamilihan, at isang DILG regional field office.

"Ngayong nakumpleto na ang mga municipal facility, kami ay positibo na ang mga bagong mamumuno sa mga bayan na naapektuhan ng Bagyong Yolanda ay makapagbibigay na ng normal na serbisyo sa kanilang mga nasasakupan," ani Año.

"Inaasahan din namin na magkakaroon ng mas masiglang pamimili at pagbebenta sa mga nakumpletong pampublikong pamilihan at mga pagtitipon sa mga civic center ngayong mayroon na silang mas maayos at matibay na mga gusali kumpara dati," dagdag niya.

Saklaw sa RAY Batch 1 ang pagsasaayos ng mga lubos o bahagyang nasira na mga municipal facility upang maibalik sa normal ang ekonomiya at mga serbisyo ng pamahalaan sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Yolanda. Karamihan dito ay nasa Rehiyon V, MIMAROPA, VI, VII, at VIII na nakapaloob sa 50 kilometrong radius na dinaanan ng mapaminsalang bagyo.

Sa 308 na natapos na proyekto, pito ang nasa MIMAROPA, isa sa Bicol Region, 127 sa Western Visayas, 28 sa Central Visayas, at 145 sa Eastern Visayas.

"Ngayong ang RAY Batch 1 ay 100% kumpleto na, itutuon naman ng Kagawaran ang pokus nito sa monitoring ng mga kasalukuyang ginagawang mga pasilidad sa barangay at ibang proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng RAY Batch 2 at 3A," sabi ni Año.

Binigyang-diin din niya na ang DILG ay nakatuon lamang sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng mga lokal na pamahalaan at hindi programa sa pabahay na nasa ibang ahensya ng pamahalaan.

Nagpapasalamat na mga benepisyaryo

Higit sa mga gusali, ang mga benepisyaryo ng mga natapos na proyekto ay naging mas matibay sa pagharap sa mga kalamidad na tulad ng Yolanda.

"Mas handa na kami ngayon at nakikipagtulungan sa pamahalaang lokal lalo na kapag nalaman naming may babala ukol sa bagyo. Talagang ayaw na naming maranasan ang sakit at stress noong panahon ng Yolanda," ani Rosario D. Merilles, vendor sa pamilihan ng Guian, Eastern Samar.

Isa si Merilles sa 105 na mga vendor o nagmamay-ari ng mga stall sa Guiuan na lubhang naapektuhan nang napinsala ang Guian Public Market sa pagtama ng Bagyong Yolanda. Sa pamamagitan ng P13-miyon na pondo mula sa RAY Batch 1 program, ganap nang naipagawa at naayos ang pamilihan at ngayo'y masaya nang nagbebenta ng kanyang mga paninda si Merilles dito.

Samantala, ipinahayag naman ni Arthur C. Arcuino, residente ng Ormoc, City at market supervisor, na malaking tulong ang pondo mula sa RAY sa mabilis na pagbangon ng Ormoc City.

"Ang aming civic center ay mas matibay na din ngayon. Ito ang pinakamalaking gusali na mayroon kami sa Region VIII, mas malaki pa sa coliseum sa Tacloban, na may kapasidad na halos 7,000," ani Arcuino na ang tinutukoy ay ang P51-milyon na rehabilitation project na Ormoc City Civic Center.

Ang mga kuwento nina Merilles and Arcuino kasama ang iba pang nakaligtas sa Bagyong Yolanda ay bahagi ng aklat na pinamagatang “After the Storm: Two Year On.” Maaaring makakuha ng printed copy nito sa DILG- Office of Project Development Services habang sa https://dilgyolanda.wordpress.com/ naman makukuha ang digital copy.