NEWS

DILG: EO sa Programang Balik Probinsya, magpapalago ng mga lalawigan

May 9, 2020

Malugod na tinanggap ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ang pag-isyu ng Executive Order 114 na nagpapasimula ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa (BP2) Program, at sinabing ito’y “napapanahon at kinakailangan” sa pagpapalago ng mga lalawigan at pagtugon sa iba pang suliraning panlipunan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba pang bahagi ng bansa.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, ngayon na ang BP2 Program ay isa nang bahagi ng patakaran ng pamahalaan, nakikita niya na ang malaking oportunidad tungo sa equal distribution of wealth, paglago at pag-unlad na maaari nang makamtan ng mga local government units (LGUs), hindi katulad ngayon na ang pag-unlad ng ekonomiya ay nakapokus sa Metro Manila at ibang highly-urbanized cities lamang.

“Malugod na tinatanggap ng DILG ang pagsasagawa ng BP2 Program dahil matagal na naming ipinaglalaban sa aming kampanyang Constitutional Reform (CORE) ang pantay na pagkakataon para sa paglago at pag-unlad ng lahat. Matagal nang katotohanan na ang pag-unlad ay nakakiling lamang sa Metro Manila. Panahon na para malasap ng iba’t ibang rehiyon ng ating bansa ang kaunlaran,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Año, matagal nang pinangungunahan ng DILG ang equitable distribution of growth and wealth na siya ring isinusulong ng administrasyong Duterte. “Ito ay isa rin sa mga pangako ng ating Pangulo maging noong siya ay nangangampanya pa lamang kaya natutuwa kami na ito ay gumugulong sa pamamagitan ng BP2 Program.”

Dagdag pa niya, nakalulungkot kung paano inilantad ng COVID-19 ang pinakamasamang epekto ng mataas na populasyon sa Metro Manila — ang pagtaas ng posibilidad ng pagkalat ng virus sa mga matataong lugar. Binigyang-diin ni Año, “Ang sagot dito ay decongestion ng Kamaynilaan na siyang ipinapangako ng EO 114.”

“Natutunan natin sa pandemya na ito na ang overpopulation sa mga highly urbanized cities ay hindi nakatutulong sa atin, sa halip ay maaring humantong pa ito sa mas maraming kaso ng pagkalat ng coronavirus,” sabi ni Año.

Ayon sa kanya, lohikal lamang na i-decongest ang Metro Manila upang mabawasan ang kasalukuyang problema sa lipunan tulad ng trapiko, problema sa transportasyon at iba pa, at ang BP2 Program ay maaaring maging napakalaking tulong tungo sa direksyong ito.

Nais ng EO 114 na makamit ang balanseng pag-unlad ng mga rehiyon sa pamamagitan ng “equitable distribution of wealth, resources and opportunities sa pamamagitan ng mga patakaran at programang makatutulong sa inklusibong pag-unlad ng mga probinsiya, magbibigay ng sapat serbisyong panlipunan at magsusulong sa pangkalahatang trabaho at industriyalisasyon, at magpapabuti sa kalidad ng buhay sa mga kanayunan.”

Hinihikayat din ng DILG Chief ang mga LGU na makibahagi sa paggawa ng mga polisiya at sa implementasyon ng mga BP2 Program components na magpapahintulot sa resource-sharing arrangements, sa pamamagitan ng co-financing mechanism kasama ang mga development partners.

“Malaki ang magiging tulong ng BP2 Program sa mga pamahalaang lokal kaya hinihimok namin sila na maging katuwang upang matiyak ang tagumpay ng programang ito. Suportahan natin ito sapagkat para po ito sa ating mga kababayan,” he says.

Ayon pa kay Año, ang mga pangunahing sakop ng programa ay ang pagsulong ng inklusibo at balanseng pag-unlad ng mga lungsod at lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga lokal na industriya; seguridad ng pagkain; social welfare, kalusugan at trabaho; at pagpapatayo ng imprastraktura.

Isa ang DILG sa mga miyembro ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Council na pinangungunahan ng Executive Secretary bilang Chairperson at ng Secretary ng National Economic and Development Authority bilang Vice Chairperson.