NEWS

DILG, DENR nagsanib puwersa laban sa illegal logging, quarrying

December 1, 2020

Nagsanib puwersa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagpapatupad ng paghihigpit sa iligal na pagtotroso at quarrying na ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos malubog sa baha ang Cagayan at Isabela.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya pupulungin ng DENR ang National Anti-Illegal Logging Task Force na binuo sa pamamagitan ng Executive Order No. 23 upang maipatupad ang mga bagong istratehiya upang maprotektahan ang ating natitirang forest cover at mga threatened habitats sa buong bansa.

Kasapi sa task force ang DILG, ang kapulisan at ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

Ayon kay Malaya, napagkasunduan nina DILG Secretary Eduardo M. Año at DENR Secretary Roy Cimatu na pakilusin ang lahat ng mga kinakailangan upang mapigil aang pagsira sa ating mga natitirang kagubatan.

Nangako rin umano ang DILG na susuportahan ang National Greening Program (NGP) ng DENR na naglalayong buhayin ang tinatayang 1.2 milyong ektarya ng nakalbong gubat sa 2022.

“Nangangako ang DILG na pakikilusin ang mga LGU, ang kapulisan, ang BFP at BJMP upang makamit ang layunin ng NGP na bigyan ng bagong buhay ang mga hindi mabunga, nakalbo at naabusong kagubatan ng bansa sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga pamayanan sa reforestation program ng DENR. Makikipagtulungan din kami sa mga civil society organizations sa pagtatanim ng mga seedlings upang tumubo uli ang ating mga gubat,” dagdag ni Malaya.

Ayon sa DILG spokesman, wala nang mas mabuting panahon pa para protektahan ang ating natitirang forest cover at magsagawa ng seryosong reforestation. “Alam kong may pandemya pa, pero ang programang ito ay hindi na makakapaghintay. Kung hindi tayo kikilos ngayon, ang itatanim natin ay mga buto ng paggunaw ng ating mundo. Ang climate change ay nagaganap na at kailangan natin itong harapin,” aniya.

Inihayag ng tagapagsalita ng DILG, na mula Enero hanggang Oktubre 2020, nagsagawa ang Philippine National Police ng 6,710 anti-illegal logging operations at nakadakip ng 3,336 illegal loggers sa buong bansa. “Ang mga operasyon ng PNP ay nagbigay-daan sa pagbawi ng 3,663,173 board feet ng kahoy na illegal na pinutol sa ating natitirang kagubatan. Nagsampa na kami ng 1,145 kaso sa korte laban sa mga suspek. Marami pa ring lumalabag sa ating mga batas sa kalikasan,” aniya.

Sa ilalim ng PD 705 maaari din umanong dakpin ng PNP ang sinumang maaaktuhang illegal logger. Naatasan din ang PNP na magdagdag ng mga checkpoint sa mga gubat sa tulong ng mga PENRO at CENRO ng DENR.