NEWS

ADVISORY

DILG: Bawal pa rin ang misting, spraying ng disinfectant sa mga tao; ikinalungkot ang pagkamatay ng doctor na pulis

June 11, 2020

Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na bawal pa rin ang misting at pag-spray ng disinfectant sa mga tao kasunod ng pagkamatay ni police doctor Casey Gutierrez na nakalanghap diumano ng disinfectant sa isang quarantine facility sa Pasig City.

Ikinalulungkot namin ang pangyayaring ito lalo pa’t nilinaw naman ng DILG at ng Department of Health (DOH) noong Abril pa na mapanganib sa kalusugan ang misting at spraying,” ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año.

Muli niyang ipinarating sa mga local government unit (LGU) at mga attached agencies ng DILG, kasama na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) ang panganib na idinudulot ng ganitong mga kemikal sa kalusugan ng tao.

Binanggit niya ang DOH Memorandum 2020-0157 na nagsasaad na hindi pa napapatunayan na ang malawakang fogging, misting at spraying ay pumapatay sa virus.

“Dapat malaman ng mga LGU at mga pampubliko at pribadong opisina na nakadadagdag pa sa mga problemang pangkalusugan ang misting dahil lalo pang kumakalat ang mga pathogen at magdudulot ng skin irritation at pagkalanghap ng mga kemikal. Maaari rin itong maging sanhi ng polusyon sa kalikasan,” paliwanag ni Año.

Sa kanyang Advisory noong Abril 18, 2020, pinayuhan ng Kalihim ang mga LGU na ipagbawal ang pagtatayo ng mga disinfection tents, misting chambers o sanitation booths lalo na kung hindi nakasuot ng personal protective equipment ang mga papasok sa mga ito.

Ayon sa Advisory, ang mga kemikal tulad ng hypochlorite ay sanhi ng pangangati ng balat at mucous membrane (sa mata, ilong at lalamunan) at maaaring makasama kapag nalanghap. Limitado din daw ang mga pag-aaral na nagpapatunay na epektibo ang mga chemical disinfectant.

“Bagamat maganda ang intensyon ng misting, nilinaw na po ng DOH na ‘di ito mainam sa kalusugan. Maging maalam tayo sa mga dapat at hindi dapat gawin habang sama-sama nating sinusugpo ang COVID-19 sa isang sistematiko at siyentipikong paraan,” ani Año.

Ipinahayag rin ng DILG chief ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng 31-gulang na police physician na namatay kamakailan dahil sa disinfectant poisoning.

Napakasaklap mawalan ng isa na namang frontliner doctor sa gitna ng pandemya. Ang masakit pa rito’y kapabayaan ang ikinamatay ni Capt. Gutierrez, hindi ang kalaban nating COVID-19,” dagdag ng kalihim.

Inutusan ni Año ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahang mabuti ang insidente. “Inaatasan ko ang PNP na siguraduhing lalabas ang katotohanan sa imbestigasyon at mananagot ang dapat managot. Tiyakin ninyong wala nang susunod na ganitong insidente,” pagdidiin niya.

Ayon naman kay PNP Chief Gen. Archie Gamboa, hindi niya sinisisi o tinutukoy ang Office of Civil Defense (OCD) na pinanggalingan ng concentrated disinfectant solution na ginamit ng mga medical at healthcare personnel sa PhilSports Arena na isang pansamantalang COVID-19 treatment facility.

Sa interes ng masusing imbestigasyon, sinabi ni Gamboa na iminungkahi sa OCD na tumulong pagtukoy kung saan nanggaling ang kemikal dahil ang OCD ang nag-accredit ng mga service providers sa mga quarantine facility na pinatatakbo ng PNP.