NEWS

DILG: Backriding sa motorsiklo pinapayagan na muli ngayong MECQ sa ilang kondisyon

August 5, 2020

Alinsunod sa pag-suspinde ng mga pambulikong sasakyan sa Mega Manila sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ), sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong araw na pinapayagan na ulit ang backriding o ang pillion riding habang MECQ ngunit kailangang sumunod sa ilang mga kondisyon.

“Dahil sa pagsuspinde ng mga pambulikong sasakyan ngayong MECQ, pinapayagan na ang motorcycle backriding basta’t mayroong physical barrier, ngunit para lamang ito sa mga authorized persons outside of residence (APORs) para makapasok pa rin sila sa kanilang mga trabaho,” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Ayon kay Secretary Año, ang operasyon din ng mga tricycles ay nakaayon sa guidelines ng local government unit (LGU). “Maaari ring pahintulutan ng LGU ang mga may quarantine pass na sumakay sa tricycle sa paglabas nito upang bumili ng pagkain o iba pang essential services basta’t isa lamang ang pasahero nito at may regular na disinfection na isasagawa ng tsuper,” aniya.

Dagdag ni Año na ang unang kondisyon ay dapat APOR ang backride na pasahero at ang dahilan ng paglabas nito ay may kaugnayan sa trabaho. "Dahil walang masasakyan papunta sa mga trabaho, hindi na kailangang mag-asawa o magpartner. Basta work-related ang lakad at APOR ang passenger, pinapayagan nating magbackride sa ngayon," aniya.

Ang pangalawang kondisyon ay dapat gamit ng nagmamaneho ng motor ang na-aprubahang physical barrier. “Importante pa ring masunod ang basic health protocol na physical distancing kaya kailangang andun pa rin ‘yung barrier ay syempre, nakasuot pa rin ng helmet at face mask,” ani Año.

May dalawang disenyo ng physical barriers ang napili at na-aprubahan ng NTF-Covid-19. Ang una ay disenyo ni Bohol Governor Arthur C. Yap. Ang ikalawa naman ay ang pinahintulutang disenyo ng NTF na katulad ng isang backpack na sinusuot ng drayber na pinasimulan ng motorcycle taxi platform na Angkas.

Ang ikatlong kondisyon ayon kay Año, ay dapat ang gagamiting motorsiklo ay pribado at hindi gagawing pampublikong sasakyan o inarkila para makabiyahe. “Samakatuwid, bawal pa rin ang Angkas, Joyride, at iba pang ride services. Pinapayagan lang namin ito ngayon para makapasok sa trabaho ang mga tao,” sabi pa nito.

Binigyan din ng direktiba ang Philippine National Police (PNP) para siyasatin ang mga riders na dumadaan sa checkpoint at APORs.

Iginiit ni Año na ang mga nabanggit ng kondisyon ay kasabay pa rin sa pagsunod sa minimum health protocols gaya ng madalas na paghugas ng kamay, pagsuot ng face mask, pagsunod sa physical distancing, at proper hygiene.

“We heal as one. Walang exempted sa quarantine protocols. Bawasan natin ang pinapasan ng ating mga frontliners. Time out muna sila pero tayo tuloy-tuloy lang,” dagdag pa niya.