NEWS

DILG: 397 barangay officials nahaharap sa mga kasong kriminal dahil sa maanomalyang pamamahagi ng SAP; 663 sa kabuuan ang sumasailalim sa imbestigasyon

June 17, 2020

Sa nalalapit na pamamahagi ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP), sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na 397 barangay at local government officials ang nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal sa iba’t-ibang Prosecutor’s Office ng Department of Justice dahil sa umano’y anomalya sa pamamahagi ng first tranche ng Social Amelioration Program.

“Sa kabuuan, 663 indibidwal ang sumasailalim sa imbestigasyon ng PNP-CIDG, 267 sa mga ito ay mga nahalal na opisyal ng barangay at ang ilan ay mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Yung iba na 396, ay iba pang kawani ng gobyerno o kasabwat na sibilyan ng mga nahalal na opisyal. Sa kabuuang 663 indibidwal, nakapagsampa na ng kaso laban sa 397 sa kanila.” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sinabi niya na marami pang mga kaso ang inaasahang isasampa laban sa mga tiwaling opisyal ng barangay sa susunod na mga araw, dahil ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ay nagsasagawa ngayon ng case build-up at pagsisiyasat sa 67 na kaso. Limang pang kaso na nakumpleto na ang imbestigasyon ang isasampa sa linggong ito.

“Ang katiwalian ay tulad ng COVID 19. Ito ay isang sakit na kailangan nang mapuksa bago pa makapanghawa ng maraming tao. At hanggang naririto ito, hindi titigil ang DILG at PNP hanggang hindi nakakasuhan ang bawat isang sangkot sa katiwalian sa SAP,” sabi ni Año.

“Ang korapsyon ay isang krimen laban sa mahihirap nating kababayan. Habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19, sinisiguro ng DILG sa publiko na ang mga pinaghihinalaang gumawa ng anomalya ay haharap sa batas dahil sa paglabag sa tiwala ng publiko at sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Bayanihan Law, at Law on Reporting of Communicable Disease,” sinabi niya.

“Marami pang kasunod ito. Ang datos na ito ay mula April 1 hanggang June 16 pa lamang kaya doon sa mga gumawa ng kalokohan noong unang pamimigay ng SAP, sinasabi ko sa inyo na hindi kayo makakalusot,” aniya.

Tiniyak ni Año ang 460 na nagreklamo at nag-ulat sa mga anomalya sa PNP na itutuloy ng DILG ang mga kasong iyon sa tulong ng DOJ. Pinuri rin niya sila sa pagsasampa ng isang pormal na reklamo laban sa kanilang mga nahalal na opisyal dahil sa umano’y anomalyang pamamahagi ng SAP.

Samantala, sinabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya na ang Kagawaran ay umaasang mas kaunti na ang mga reklamo na matatanggap pagdating ng 2nd tranche ng pamamahagi sa SAP sa halos 12 milyong pamilya sa mga lugar na karapat-dapat sa 2nd tranche dahil magsisimula nang gumamit ng electronic payment systems ang DSWD sa ibang lugar.

Sinabi niya na nagugulat sila sa mga ulat mula sa baba tungkol sa mga public officials na hayagan at puwersahang nakikibahagi sa cash subsidy.

Nabanggit niya ang isang kaso sa Bacolod City kung saan iniulat ng nagreklamo na si Flora May M. Ramas sa PNP Bacolod na noong Abril 22, 2020, ang Barangay Felis Chairperson na si Ramon Jardin at tatlong iba pang tauhan ng barangay ay sinasabing nangolekta at kinuha ang halagang P4,000 mula sa nasabing nagrereklamo matapos matanggap niya ang P6,000 SAP subsidy sa walang malinaw na legal na dahilan. Ang PNP CIDG-Bacolod ay nagsampa na ng mga kaso laban sa kanila sa tanggapan ng City Prosecutor's Office.

“Paalala lang po sa ating mga lokal na opisyal lalo na iyong mga inihalal ng taumbayan, ‘wag ninyo pong ipagpalit ang tiwala ng publiko sa inyo sa kahit anumang halaga. Importante ang tiwala ng publiko. Manatili tayong tapat sa ating sinumpaan bilang mga public servants,” ani Malaya.