NEWS

ADVISORY

DILG: 23 opisyal ng barangay nahaharap sa kasong kriminal dahil sa anomalya sa pamamahagi ng SAP; 110 pa iniimbestigahan

May 19, 2020

Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na 23 opisyal ng barangay ay nakasuhan na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa harap ng Prosecutors Office ng Department of Justice dahil sa iba’t ibang anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Program o SAP.

Iniulat ni DILG Secretary Eduardo M. Año na sinampahan na ng PNP ng 12 kaso ang 23 opisyal, at apat pa ang ihahain sa mga susunod na araw. Samantala, pinaghahandaan naman ang paghahain ng reklamo laban sa 110 pang opisyal matapos maisumbong ng 318 katao ang umano’y graft and corrupt practices nila.

Sunod-sunod na ang pagsampa ng kaso ng PNP-CIDG laban sa mga tiwaling opisyal ng barangay at sa kanilang mga kasabwat sa mga anomalya sa pagbibigay ng SAP. Puspusan na rin ang imbestigasyon at case build-up para masigurong makakalaboso ang mga walang-hiyang tao na ito na nakuha pang manggantso sa mga mahihirap nating kababayan,” anang kalihim.

Idinagdag ni Año na ang mga dawit sa mga kaso ay mga punong barangay, mga kagawad, mga ingat-yaman, mga sekretarya at mga empleyado, mga purok lider at pati mga social worker.

Isinampa na ang mga kaso na paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 11469 o Bayanihan to Heal As One Act.

Inilipat kamakailan ng kalihim ang pagsisiyasat ng mga ganitong reklamo sa PNP-CIDG upang mapabilis ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

Sa kabilang dako, ang mga opisyal na nahaharap sa mga kasong administratibo ay padadalhan ng DILG ng mga show cause order at iimbestigahan ng mga DILG field units bago ang paghahain ng reklamo sa Ombudsman.

Puspusan ang pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso ng PNP dahil nakatakda nang ipamahagi ang ikalawang bugso ng SAP emergency subsidy para sa mga mahihirap na pamilya sa mga susunod na araw.

“Nalalapit na ang pamimigay ng 2nd tranche ng SAP kaya hindi natin hahayaang makapanloko pang muli ang mga ito. Nakatutok ang kapulisan sa mga kasong ito dahil ayaw nating mas lalo pang maagrabyado ang mga SAP beneficiaries,” pagtatapos ni Año.

Paghahati ng SAP, mga kamag-anak ng opisyal sa masterlist, atbp.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya, nahuli ang mga opisyal na naghahati ng SAP, namemeke ng masterlist at nangingikil sa mga SAP beneficiaries.

Dagdag pa ni Malaya, nalulungkot siya na kung sino pa ang inaasahan ng pamahalaan at taumbayan sa panahon ng pandemya ang “animong mga linta na sumisipsip sa dugo ng ayuda ng pamahalaan.”

“Umasa ang taong bayan na sila ang magiging sandigan nila sa panahon ng pandemya pero binigo nila ang mga mamamayan. Para silang linta na hinigop ang tanging pag-asa ng mga tao ngayong Covid-19,” aniya.

Sa Bacolod, naiulat na ang isang punong barangay, isang purok president at isang liaison officer ang nagsabwatan at bumawi ng P4,000 mula sa pitong SAP beneficiaries na tumanggap ng P6,000 bawa’t isa.

Ganito rin umano ang nangyari sa Peñablanca, Cagayan ayon sa isang SAP beneficiary na naghain ng reklamo laban sa isang barangay kagawad na nag-utos na isauli niya ang P4,000 mula sa P5,500 na tinanggap niya dahil ang kagawad ang nagsingit ng pangalan niya sa SAP masterlist.

Ang mga paghahati ng ayuda at pamumulitika sa pagpili ng mga beneficiaries ay naiulat din sa ibang bahagi ng bansa.

Halimbawa, sa San Policarpio, Eastern Samar, binura diumano sa masterlist ng isang opisyal ng barangay ang mga pangalan ng mga hindi bumoto sa kanya noong huling halalan. Sa kabilang banda, inilista umano ng isang punong barangay sa Margosatubig, Zamboanga del Sur ang mga SAP beneficiaries na hindi kuwalipikado at gumamit ng mga gawa-gawang pangalan sa listahan.

Sa Tondo, Maynila naman, limang katao ang nagreklamo laban sa isang punong barangay na pawang kamag-anak at kaibigan ang piniling bigyan ng SAP.

“Mayroon pa ngang insidente sa Pasay na isinama diumano ng punong barangay ang kanyang mga empleyado sa laundry shop sa listahan ng SAP beneficiaries at pagkatapos ay pinapirma na suweldo daw nila iyon,” ani Malaya.

Sa Lapu-Lapu City naman, isang social worker ang iniimbestigahan dahil isiningit umano niya ang mga pangalan ng apat niyang kamag-anak, isang biyenan at ang girlfriend ng kanyang anak sa listahan ng mga SAP beneficiaries kahit hindi sila kuwalipikado. At sa Cebu City, isang barangay health worker ay inireklamo matapos niyang isingit ang kanyang mg biyenan sa masterlist bagama’t hindi karapat-dapat.

“Hindi po makakalusot ang mga tiwaling opisyal ng barangay na ito. Sisiguraduhin natin na pananagutan nila ang kanilang ginawa sa mga tao,” said Malaya.