NEWS

DILG: 21 RT-PCR na laboratoryong pinatatakbo ng mga LGU binuksan na

September 28, 2020

Dalawampu’t isang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) na laboratoryong pinatatakbo ng mga local government units ang binuksan na at tumutugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan at pinabubuti ang pambansang kakayahan para magsuri ng COVID-19.

Masayang tinanggap ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang balitang ito at binati ang mga local chief executives na nasa lilkod nito. “Noon, Marikina lamang ang may RT-PCR laboratory. Ngayon mayroon na tayong 21 sa buong bansa at marami pang susunod. "Ipinagmamalaki ko ang mga LGUs na pumasa sa mahigpit na licensing procedure ng DOH,” ani Año.

Lahat ng mga bagong laboratory ay pumasa sa limang hakbang ng DOH criteria bago nakatanggap ng lisensya para makapagsuri.

“Batid po natin na sa community transmission talaga malakas ang hawaan nitong COVID-19. Kaya magandang balita po ito na pinapalakas ng ating mga lokal na pamahalaan ang kanilang kapasidad upang matugunan ang pangangailangan ng taumbayan na matiyak sa kanilang komunidad kung sinu-sino ang dapat matest, mabigyan ng atensyong medikal o i-isolate,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga lisensyadong laboratory ang 14 na nasa Luzon, tatlong nasa Visayas at apat na nasa Mindanao. May 20 LGU ang sinusuri pa ng DOH. Kabilang sa mga ito ay pitong nasa Stage 1: Self-assessment & Application habang 12 ay nasa Stage 3: Compliance.

Kasalukuyang mayroong 130 lisensyadong COVID-testing laboratories, pribado at pampubliko, sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

“Kung matatandaan natin, noong March, lahat ng tests natin ay puwede lang magawa sa RITM [Research Institute for Tropical Medicine]. Nasa 400 tests lang ang nagagawa kada araw. Ngayon, mga 30,000 test na ang maisasagawa araw-araw. Ito ay mahalagang hakbang at ang mga LGU ang malaking bahagi nito,” ani Año.

Ayon naman kay DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan E. Malaya, mas maraming nagawang test sa populasyon ang Pilipinas kaysa sa anumang bansa sa Southeast Asia. Nitong September 21, nagsagawa na ng 3,400,019 test ang Pilipinas.

“Ito, walang duda, ay isang kaaya-ayang balita na ang mga LGU mismo ang nag-apply na makapagpatayo ng mga testing laboratory sa kanilang mga nasasakupan,” ani Malaya.

Ayon sa kanya, bagama’t ang karamihan sa mga naiulat na kaso ay nanggagaling sa National Capital Region, hindi nagpahuli ang ibang rehiyon sa paglalatag ng mga solusyon na sasangga sa dagok ng COVID-19 sa kanilang mga pamayanan.

Sa ngayon, may 49 testing labs sa NCR; anim sa Ilocos Region; dalawa sa Cagayan Valley; 11 sa Central Luzon; 12 sa Calabarzon; dalawa sa Mimaropa; dalawa sa Bicol; siyam sa Western Visayas; pito sa Central Visayas; dalawa sa Eastern Visayas; apat sa Zamboanga Peninsula; anim sa Northern Mindanao; tatlo sa Davao Region; lima sa Soccsksargen; tatlo sa Caraga; dalawa sa Cordillera Administrative Region; at isa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).