NEWS

DILG: 183 brgy execs iimbestigahan ng PNP dahil sa katiwalian diumano sa pamamahagi ng cash aid

May 12, 2020

Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may 183 na opisyal ng barangay ang iniiimbestigahan ngayon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group dahil sa diumano’y graft and corruption sa pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na kasunod ng pag-anunsyo ng Pangulo ng isang P30,000 gantimpala para sa bawat nakumpirmang insidente ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa katiwalian sa pamamahagi ng SAP, dumagsa ang mga reklamo sa mga hotlines ng DILG at DSWD at dahil dito, sinimulan nang imbestigahan ng PNP-CIDG ang may 183 opisyal ng barangay.

“Sa dami ng reklamong natanggap natin, 183 na ang iniimbestigahan ng ating kapulisan dahil may posibleng probable cause dito. Hindi titigil ang ating kapulisan sa pagdakip sa mga mandarambong na mga barangay official na siyang talagang virus ng lipunan. Ito ang mga uri ng pagdakip na kating-kati gawin ng ating PNP dahil talagang gigil din sila sa mga tiwaling mga opisyal,” paliwanag ni Año.

Sinabi niya na ang mga pagkakakilanlan ng 183 mga opisyal ng barangay ay hindi maaaring isiwalat habang kasalukuyang isinasagawa ang pagsisiyasat. Ayon pa sa kanya, maraming mga reklamo ang dumarating patungkol sa parehong opisyal ng barangay kaya patong-patong ang mga report. “Madaming reklamo pero iniisa-isa na namin para makita ang mga kaso na may basehan, kaya sa ngayon, mayroon na tayong iniimbestigahan na 183 cases.”

“Binabalaan ko kayo, kung nag-iisip kayo na mangulimbat ng mga tulong na para sa mga kabarangay ninyo, hahabulin namin kayo,” dagdag niya.

Sinabi din niya na sa unang linggo pa lamang ng Mayo, sinimulan na ang pag-aresto sa mga tiwaling opisyal ng barangay at nauna nang nadakip ang isang barangay councilor sa Hagonoy, Bulacan na personal na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang speeh. Si punong barangay Maria Luz Leal Ferrer ng Barangay 8, sa Isabela, Negros Occidental ay kinasuhan din ng PNP dahil sa mga sinasabing anomalya sa pamamahagi ng SAP sa Barangay 8 sa Isabela, Negros Occidental.

Ayon sa DILG Chief, kasunod ng isang masusing pagsisiyasat na isinagawa ng PNP Isabela, inakusahan si Ferrer ng pagdodoktor ng listahan ng mga benepisyaryo sa kanyang barangay. Nadidiin din ang suspek dahil sa mga ulat at salaysay mula sa mga saksi at sa pagsusuri sa di umano’y manipuladong listahan ng mga beneficiaries ng SAP. Dinakip rin si Mae Fajardo, isang Municipal Social Worker, kasama ni Ferrer dahil sa umano'y pagbabago niya ng opisyal na listahan ng tatanggap ng SAP.

Kinasuhan si Ferrer ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 171 ng Revised Penal Code dahil sa panghuhuwad ng mga pampublikong dokumento kasama si Fajardo.

Inatasan ng DILG kamakailan lamang ang PNP at hiniling ang National Bureau of Investigation (NBI) na bigyan ng prayoridad ang pagsisiyasat ng mga ulat ng graft and corruption sa pamamahagi ng SAP financial assistance sa komunidad.

Iulat ang mga insidente ng katiwalian

Hinimok ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya ang lahat na mag-ulat ng mga insidente ng "kaltas," “splitting,” falsification, at iba pang mga tiwaling gawain ng mga lokal na opisyal sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o tanggapan ng DILG sa kanilang pamayanan.

“Magandang simula na may 183 barangay officials na ang iniimbestigahan ng ating kapulisan. Ang ibig sabihin lamang nito ay alam na ng mga mamamayan ang kanilang resposibilidad at ang kanilang mga karapatan,” sabi ni Malaya.

“Huwag kayong matakot. Tulungan ninyo kami na usigin ang mga tiwaling lider ng mga barangay na ito. Kakampi ninyo ang Pangulong Duterte, ang DILG, at ang kapulisan dito,” aniya.

Sinabi ni Malaya na ang P30,000 pabuya ng Pangulo sa bawat kumpirmadong ulat ng katiwalian sa barangay ay isang katiyakan na sinusuportahan niya ang pag-aresto sa mga tiwali na ito. “Ang P30,000 po na ito ay isang patunay na ang ating pamahalaan ay seryoso sa paghuli sa mga kurakot at tiwaling opisyal ng barangay,” aniya.

Hinikayat rin niya ang publiko na tawagan ang Hotline 8888 para sa mga kaso ng graft at corruption laban sa mga barangay at lokal na opisyal. Sinabi rin niya na ang lahat ng mga istasyon at hotline ng DILG at PNP ay bukas upang tumanggap ng mga ulat mula sa mga tao.