NEWS

"Battle of Manila Bay" hindi maaaring ipagpaliban - DILG

January 30, 2019

Tinutulan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang panawagan ng Makabayan Bloc na ipatigil ng pamahalaan ang rehabilitasyon ng Manila Bay upang bigyang daan ang "malalim na pag-aaral at konsultasyon".

"Nais naming bigyang-diin na ang Manila Bay ay nasa kritikal na kondisyon. Kumbaga sa ospital, nasa ICU na. Wala na tayong panahon para ipagpaliban pa ito. Ang pagsang-ayon sa Makabayan ay lalo lamang makapagpapalala sa sitwasyon," ayon kay DILG Assistant Secretary and Spokesperson Jonathan Malaya.

Ipinahayag ni Malaya na hindi na kaya pang ipagpaliban ang rehabilitasyon sapagkat ito ay ipinag-utos na, hindi lamang ng Pangulo, kundi maging ng Korte Suprema noon pang 2008 sa pamamagitan ng Writ of Continuing Mandamus sa DENR at DILG, at iba pa.

"Ang malawakang programa na ito ng pamahalaan ay bilang pagtalima sa utos ng Korte Suprema. Nais naming ipaalala sa kanila na noong ika-18 ng Disyembre 2008, ipinag-utos ng Korte Suprema sa 13 ahensya ng pamahalaan ang "paglilinis, rehabilitasyon, at pagpapanatili sa Manila Bay, at ibalik at pangalagaan ang katubigan nito para mapaliguan, mapaglanguyan at iba pa," sabi niya.

Aniya, "imbis na imungkahi ang pagpapaliban, dapat na makisama at makibahagi na lamang ang Makabayan Bloc sa pagtulong sa pamahalaan sa "Battle of Manila Bay." Ipinatupad na ng administrasyon ang political will nito para gawin ang tama. Ngayon, tayo naman ang dapat umaksyon."

"Nakalulungkot na parang ang mga Makakaliwa sa Kongreso ay tuluyan ng natali sa mga mayayamang negosyante na higit na maapektuhan sa oras na mapasara ang kanilang negosyo kapag napatunanayang lumabag sila sa batas. Pinupulitika lang nila ang mabuting adhikaing ito para makakuha ng mataas na boto sa eleksyon para sa party-list," dagdag niya.

Sinabi din ni Malaya na ang "pagsasagawa ng komprehensibo at malawakang pag-aaral" at "pagkakaroon ng programang tunay na magliligtas ng Manila Bay" na basehan ng Makabayan sa pagpapaliban ng rehabilitasyon ay naisagawa na ng DENR at DILG, at ang tangi na lamang natitirang hakbang ay implementasyon.

Ayon sa DILG Spokesperson, nakatakdang makipagpulong bukas si DILG Secretary Eduardo M. Año sa mga mayor ng Metro Manila upang pag-usapan ang pagpapabilis ng paghahanda at paglilipat sa mga informal settlers sa mga in-city at provincial resettlement sites.

"Nais ni Secretary Año na mapabilis ang kooperasyon ng mga mayor ng NCR sa pag-monitor sa mga business establishment at iba pang nagpapadumi sa baybayin. Ang suporta ng mga pamahalaang lokal ay lubhang napakahalaga para sa tagumpay ng rehabilitasyong ito," ani Malaya.

Hinihikayat din ng DILG ang lahat ng mga pamahalaang lokal sa paligid ng Manila Bay na magpakita ng magandang halimbawa sa mga pribadong gusali - residensyal man o komersyal - ukol sa pagsunod sa Clean Water Act at Ecological Solid Waste Management Act.

Lahat ng mga gusali, partikular sa bahagi ng Manila Bay, ay kailangang tiyakin na sila ay konektado sa mga sewer line o mayroon silang sariling sewage treatment plants para sa tamang pagtatapon ng kanilang mga dumi.

Pinuna din ni Malaya ang pahayag ng Makabayan Bloc na ang rehabilitasyon ay magbubunsod ng implementasyon ng 40 proyektong pangreklamasyon. "Ito ay isa na namang kaso ng maling impormasyon. Walang lugar sa rehabilitasyon ang pagkakaroon ng reklamasyon. Sa katunayan, maging si Secretary Año ay tutol dito."

"Sa tulong at suporta ng lahat, kaya nating linisin ang Manila Bay, kaya nating panatilihin ito, at kaya nating i-preserba ang bagong Manila Bay para sa kinabukasan," aniya.