NEWS

ADVISORY

Año sa mga dating rebeldeng NPA, di kayo iiwan ng gobyerno gaya ng ginawa ng NPA

August 16, 2019

Hinihimok ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko at manumbalik sa lipunan habang tinitiyak na "hindi sila pababayaan ng pamahalaam gaya ng ginawa sa kanila ng mga komunista."

"Ito ang masakit ng katotohanan. Walang pakialam ang NPA sa kapakanan ng kanilang mga miyembro. Ginagawa lamang silang mga peon ng CPP-NPA-NDF sa mga walang katuturan na adbokasiya upang pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng armadong pakikibaka" ani Año.

"Sa pagbabalik ninyo sa inyong mga pamilya, nakatitiyak kayo na hindi kayo pababayaan ng ating pamahalaan," dagdag pa niya.

Sa isang pagdinig sa Senado kamakailan, inilahad ni 'Alem', isang dating kasapi ng NPA, kasama ang iba pang dating rebelde, ang kanilang mga karanasan sa kamay ng nasabing rebeldeng grupo at kung paano sila kalaunan ay pinabayaan. Isang emosyonal na 'Alem' ang nagsabing wala siyang natanggap na kahit anong tulong mula sa mga inakala niyang "kasama" noong siya ay malapit nang magsilang.

Ang mga kuwentong ito ay nagpapatunay lamang ng panlilinlang at kasinungalingan ng NPA. Mga estudyante pa lamang ang mga ito nung na-recruit nila, sinira nila ang kinabukasan. Ngayong napagpasyahan na nilang bumalik sa kanlungan ng batas, sisiguraduhin naming hindi nila mararamdaman na sila ay pinabayaan,” sabi ni Año.

Ayon sa kalihim ng DILG, kinakailangan na nating palakasin ang ating mga batas upang wakasan ng gobyerno ang aktibong pag-rerecruit ng Komunista ng mga kasapi sa mga paaralan, pabrika, at sa mga magsasaka.

Sinabi niya na sa layunin na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa pamamagitan ng Executive Order No. 70, naniniwala ang gobyerno na ang pagkumbinsi sa mga rebelde na sumuko ay maaaring maging isang mahusay na kasangkapan upang wakasan ang komunismo-terorismo sa bansa, habang tinitiyak na sila ay aalagaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Ipinaliwanag niya na sisiguraduhin ng E-CLIP na lahat ng mga dating rebelde o "former rebels" (FR) ay bibigyan ng ayuda na makakatulong sa kanila para mabawi nila kahit papaano ang mga taon sa mga bundok na kinuha ng NPA mula sa kanila.

Sa ilalim ng programa ng E-CLIP, ang mga FR o ang kanilang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay makakakuha ng mga benepisyo, magmula sa garantisadong kaligtasan at seguridad; mga tulong pinansyal tulad ng P50,000 na tulong sa pangkabuhayan, P21,000 para sa gastos sa pagkain habang ang FR ay nasa kustodiya ng nakatanggap na yunit at iba pang mga gastos, at P15,000 bawat FR para sa mga gastos sa mobilization expenses; at kaukulang kabayaran para sa mga isinukong baril.

Sinabi ni Año na para sa 2020, may kabuuang P121-milyong pondo para sa E-CLIP ang hiniling mula sa DBM "upang higit pang mahikayat ang kasalukuyang mga rebelde na nais na putulin ang ano mang ugnayan sa mga komunista-teroristang grupo at mamuhay ng normal."

Batay sa ulat ng DILG, mayroong 2,129 FR (1,505 NPA at 624 Militia ng Bayan) ang binigyan na ng mga benepisyo at tulong sa pamamagitan ng E-CLIP mula sa pondo ng 2018 at 2019.

"Naglalaan kami ng milyun-milyong piso para sa mga FR dahil naniniwala kami sa pagkakasundo at pagbabago. Itong mga dating rebelde na ito ay naghahangad lang na bumawi at bawiin ang dati nilang mga buhay bago ito sirain ng NPA," sabi ni Año.

Ipinaliwanag niya na 1,939 na mga FR ang binigyan ng agarang tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P29-milyon; 1,433 na may tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P71.6-milyon; 1,714 na ginawaran ng reintegration assistance na P35.9-milyon; at 407 ng kabayaran para sa armas na may kabuuang halagang P28.9-milyon.