NEWS

ADVISORY

Año pinuri ang viral na pulis na tumugis sa mandurukot

August 7, 2019

Pinuri ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang pulis na naging viral sa social media matapos solong tugisin ang isang pinaghihinalaang mandurukot na hinabol niya sa kahabaan ng Lagusnilad Underpass sa Maynila noong Agosto 2, 2019.

Makikita sa viral na video si Patrolman Jonathan Stanley Dionisio na hinahabol ang mandurukot sa Maynila sa gitna ng mga umaandar na sasakyan. Ang nasabing video ay may isang milyon ng views sa Facebook pa lamang.

Sa pamamagitan ng kanyang tiyaga, bagamat makikitang pagod na, nahuli ni Dionisio ang mandurukot na nagtangkang tumakas matapos bumaba sa isang jeepney kung saan siya nagtago.

"Talagang nakaka-inspire na makita ang isang pulis na matiyagang ginagampanan ang kanyang tungkulin na protektahan at paglingkuran ang publiko. Kapuri-puri ang kanyang ginawa. Sana ay maraming lingkod-bayan, hindi lamang pulis, ang mainspire sa kanyang ginawa," ani Año.

"Hindi lang sa TV napapanood ang kabayanihan ng mga pulis. Araw-araw madami tayong pulis na naglilingkod ng tapat sa bayan,” dagdag pa niya.

Noong Lunes ay ginawaran ng Medalya ng Papuri ni PNP Chief Police Gen. Oscar Albayalde si Dionisio para sa kanyang katapangang ipinakita sa pag-aresto sa mandurukot na 'di umano'y nagnakaw ng bracelet mula sa isang pasahero ng jeep. Ang kanyang team leader na si P/Cpl. Timothy John Cruz na kasama din sa paghabol ngunit hindi nakita sa video ay ginawaran din ng medalya.

Ayon kay Año, ang dedikasyon sa tungkulin ng baguhang pulis ay akma at napapanahon sapagkat ang pamahalaan, sa pamamagitan ng DILG, ay binabago ang imahe ng PNP.

"Hangad namin na ang insidente na ito ay mag-udyok at magpataas ng morale ng ating kapulisan. Kung kaya ng isa, kaya ng lahat," aniya.

Ipinahayag niya na ang nasabing insidente ay patunay lamang na marami pa ring buo ang dedikasyon at matitinong pulis samantalang konti na lamang ang mga bulok na siya namang unti-unting tinatanggal ng PNP sa pamamagitan ng internal cleansing program nito.

Kamakailan lamang ay inilunsad ng PNP ang squad concept, isang revitalized internal cleansing program na nagbibigay-diin sa values formation, ispiritwal na pag-unlad, at pagpapatibay ng ugnayan ng mga kawani nito. Sa konseptong ito, ang mga isasailalim sa susunod na pagsasanay ay hahatiin sa walong grupo na bubuo sa isang squad at bawat squad ay magtatalaga ng pinuno.

"Ang dedikasyon na ipinakita ni Dionisio ay siyang nilalayon ng pamahalaan sa ating kapulisan. Isang pulis na handang ibigay ang paglilingkod na higit pa sa hinihiningi upang matupad ang kanyang tungkulin alang-alang sa serbisyo publiko," wika ng DILG Chief.