NEWS

ADVISORY

Año pinuri ang sinseridad ng MILF sa pagdekomisyon, tiniyak ang suporta ng DILG at PNP sa proseso ng normalisasyon ng BARMM

September 12, 2019

Pinuri ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa “katapatan nito sa pagtupad ng kasunduang pangkapayaan sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas” na ipinamalas sa ikalawang bahagi ng pagdekomisyon sa mga mandirigma ng MILF at mga sandata nito noong Sabado sa Sultan Kudarat, Maguindanao sa pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month.

Si Año, kasama ang ibang miyembro ng gabinete, ay saksi sa seremonya na dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan 1,060 mandirigma at 920 armas ay dinekomisyon, na ang ibig sabihin ay itong mga tauhan at sandata ay hindi na maaaring magamit sa pakikipaglaban. Kabilang din dito ang pagsisimula ng mga dating rebeldeng Moro na mamuhay ng mapayapa bilang mga ordinaryong sibilyan.

“Ikinararangal kong masaksihan ang kapayapaan sa Muslim Mindanao na naging mailap at malabo sa nakalipas na mga dekada. Ang nais natin dati ay mabigyan ng pagkakataon ang kapayapaan. Ngayon, maaari na tayong umusad sa pagsasaayos ng rehiyon upang ito ay makasabay sa inog ng pag-unlad ng buong bansa,” saad ni Año, na dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.

“Mahalaga sa akin ang mga kapatid nating Moro maging sila ay lalaki o babae sapagkat ako ay matagal na nakatalaga sa Mindanao ng mahabang panahon, kung saan nagsimula ang aking karera sa militar noong dekada 90 bilang batang tenyente. Naitalaga ako sa Silangang Mindanao, Cotabato, Lanao del Sur, at Basilan,” saad pa nito.

Tiniyak ng DILG Chief na tutulong ang Departamento sa interim regional government ng BARMM lalo na sa pagbibigay ng police support sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan habang ito ay sumasailalim sa “normalization phase”.

Ang normalisasyon ay proseso kung saan ang apektadong komunidad mula sa ilang dekadang bakbakan sa Mindanao ay maaari nang manumbalik sa pangkaraniwang buhay at magtaguyod ng pangmatagalang kaunlaran nang walang banta ng karahasan at krimen.

“Sisiguraduhin ng DILG na maipatutupad ang isinasaad ng batas, partikular ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na nagsasabi na ang Philippine National Police (PNP) ay kailangang bumuo ng Police Regional Office sa BARMM na ang pangunahing layunin ay ipatupad ang batas at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan. Atin ding titiyakin na ang kasapi ng MILF at Moro National Liberation Front ay matatanggap sa puwersa ng kapulisan sa loob ng limang taong ratipikasyon ng BOL,” sabi pa ng kalihim.

Idinagdag pa ni Año na ang DILG ay bumubuo ng kaparaanan kung paano nito epektibong maipagkakaloob ang technical assistance sa BARMM regional government habang sumasailalim ito sa pagbabago.

“Naghahanda kami ng Road Map kung paano natin matutulungan ang BARMM. Gusto nating makatulong sa pagtupad ng objective ng BOL at iyan ay sa pamamagitan ng makabuluhang self-governance sa Bangsamoro ayon sa binalangkas na Konstitusyon at territorial integrity ng bansa. Sisiguruhin natin na ang DILG ay ipapatupad nang makatuwiran ang tungkulin nito sa pamamahala sa BARMM,” paliwanag nito.

Sinabi pa nito na ang paglilipat sa pamamahala sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa DILG mula sa Office of the President sa pamamagitan ng Executive Order 7, series ng 2018 ay nagtatakda sa Departamento para tulungan ang BARMM regional government.