NEWS

Año nagpapasalamat sa pagkumpirma ng CA sa kanya; nangakong magiging strikto't patas sa pamumuno sa DILG

February 8, 2019

Nagpapasalamat si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año sa mga miyembro ng Commission on Appointments (CA) sa pagkumpirma sa pagkakatalaga sa kanya bilang DILG Chief nitong Miyerkules.

Ako’y nagpapasalamat at nakuha ko ang pagtango o pagaproba ng CA sa akin bilang DILG Secretary. Sisikapin kong lalo pang pabutihin ang pamamahala ng mga local government units (LGUs) at itaguyod ang pampublikong kaligtasan sa buong bansa,” aniya.

Ang pagkumpirma po sa akin ng CA ay hudyat na lalo ko pa pong pagbutihin ang pamumuno sa Kagawaran at tiyaking ang mga programa ng DILG ay nararamdaman at napapakinabangan ng mamamayan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Año na magiging strikto siya ngunit patas sa pamumuno sa Kagawaran na siyang nagsasagawa ng pangkalahatang pangangasiwa sa LGUs at nagbabantay ng pampublikong kaayusan at kaligtasan sa bansa.

Nagpapasalamat din ang DILG Chief kay President Rodrigo Duterte sa kanyang tiwala at kumpiyansa sa kanyang pamumuno sa Kagawaran na nasa harap ng walang tinag na kampanya laban sa iligal na droga, kriminalidad, korapsyon, at terorismo at nasa harap din ng kampanya para sa pederalismo.

Kasama ang Department of Environment and Natural Resources at Department of Tourism ay bahagi rin ang DILG sa Manila Bay rehabilitation program at patuloy na pangangasiwa ng pagrekober ng Boracay Island.

Mabibigat na mga trabaho ang inatas ng Pangulo at ng taumbayan sa Departamento pero kaya po natin itong gawin through our unified commitment for change, sa pamamagitan ng tapang at malasakit sa bayan,” sabi ni Año na dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.

Nagpapasalamat din siya sa DILG senior officials at mga pinuno ng attached agencies ng Kagawaran – ang National Police Commission (Napolcom), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Public Safety College (PPSC), at Local Government Academy (LGA) – at sa buong organisasyon ng DILG kabilang ang mga field offices nito “dahil sa matino, mahusay at maaasahang pagganap sa kanilang tungkulin at sa kanilang kontribusyon sa pagtupad ng mga adhikain ng Departmento para sa mamamayan.”

Tiniyak din ni Año na makikipagtulungan siya sa mga pinuno ng Philippine Commission on Women (PCW), National Youth Commission (NYC), at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na ngayo’y kabilang sa mga attached agencies ng DILG alinsunod sa Executive Order No. 67, series of 2018.

Ayon kay Año, ang gabay sa stratehiya ng DILG ay ang mga pangunahing programa nito: ang pagtaguyod ng mapayapa, maayos at ligtas na mga komunidad; pagtaguyod ng climate at disaster resilient na mga komunidad; gawing produktibo ang mga lokal na ekonomiya; pagbutihin ang performance ng LGUs at iwaksi ang korapsyon; tiyaking epektibo, tumutugon at resilient ang social protection services at lokal na imprastraktura o pasilidad; at pagtibayin ang kapasidad ng internal na organisasyon ng DILG.

Mga prayoridad para sa bayan

"Nananawagan ako sa buong DILG na samahan akong isagawa ang mga prayoridad ngayong taon. Ating ipagpatuloy ang momentum ng ating adbokasiya para sa pampublikong kaayusan at kaligtasan. Hindi lamang natin paiigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad kundi gagawin pa natin itong focused at masistema. Kailangan din nating pagbutihin ang ating kaalaman at kahandaan sa pagtugon sa banta ng violent extremism. Dodoblehen natin ang ating pagsisikap na matuldukan ang Communist insurgency sa bansa," aniya.

Nananawagan din siya sa buong DILG na ihanda ang LGUs sa mga kalamidad. "Pagbutihin nating lalo ang adbokasiya at kaalaman ng mga tao at siguruhing ang mga local chief executives ay pinapangunahan ang disaster preparedness ng kanilang mga nasasakupan," aniya.

"Lalo pa nating papalaganapin ang kampanya para sa pederalismo kasama ang lahat ng national government agencies at sa lalong maraming sektor ng lipunan para magkaroon tayo ng people-focused, reform-oriented federal constitution," sabi ni Año.

"Gayundin ay babantayan natin ang midterm polls at itutuloy ang adbokasiya laban sa mga kandidatong may kinalaman sa korapsyon, iligal na droga, at kriminalidad," aniya.

Sabi ni Año ay tulad noong 2018 Barangay and Sangguniang Kabataan elections, ang DILG ay tutulong na ikampanya sa mga botante na ang mga nararapat ibotong mga lokal at nasyunal na kandidato sa May 13 midterm elections ay iyong mga matitino, mahuhusay at maaasahan.

"Higit sa lahat ay lalo pa nating itataguyod ang good local governance. Pabibilisin din natin ang project implementation at patuloy na gawing propesyunal ang mga opisyal at kawani ng DILG," aniya.