NEWS

Año ipinag-utos ang pagsibak sa BFP Region 6 Director kaugnay ng “breach of quarantine protocol” sa Boracay

June 18, 2020

Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang pagpalit sa Regional Director ng Bureau of Fire Protection (BFP)- 6, F/SSupt. Roderick P. Aguto makaraan ang isang report ng breach of quarantine protocol ng fire personnel na naglibot sa Boracay island habang naghihintay ng resulta ng kanyang PCR test sa Covid-19 kung saan ito ay nag-positibo.

"Hindi namin kukunsintihin ang maling gawain ng aming BFP personnel o kahit sinong DILG personnel dahil buhay ang nakataya dito. Panahon ng pandemnya ngayon at hindi puwede ang mga palusot. Gayunpaman, bilang law enforcers, tayo dapat ay maging magandang halimbawa sa ating mamamayan at ang breach of quarantine protocols ay isang maling halimbawa," sabi nito

Itinalaga ni Año si F/SSupt. Jerry D. Candido, ng Director for Logistics - National Headquarters (NHQ) bilang Officer-in-Charge ng BFP- Region 6.

"Alam ninyo po, hindi madali itong contract tracing. Ang maging hindi maingat sa panig ng public safety officers sa oras ng pandemya ay hindi katanggap-tanggap," sabi ni Año na pinuno ng pangunahing ahensya na nakatutok sa contract tracing efforts ng NTF Covid.

Sinabi naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na inatasan ni Año si BFP Chief Jose Embang na imbestigahan agad ang naturang pangyayari at i-submit ang resulta ng imbestigasyon sa kanyang opisina.

"Ang Special Investigation Task Group ng BFP- NHQ ang inatasang magsangawa ng imbestigasyon sa BFP-6 at 27 nitong tauhan na maaaring may exposure at close contact sa kawaning positibo sa COVID-19,” sabi ni Malaya.

"Puspusan na po ang contract tracing ng BFP-6 at mayroon na pong koordinasyon sa DILG Region 6 at Police Regional Office. Titiyakin po natin ang medical needs ng mga fire personnel na ito na maaaring na-expose sa Covid-19 subalit mananagot din sila sa anumang maging resulta ng imbestigasyon sa kanila na ipinag-utos ni Secretary Año kaugnay sa posibleng naging kapabayaan," sabi nito.

Base sa unang ulat, ang positive result ng naturang personnel ay lumabas lang noong June 14, 2020 at napag-alaman dito na siya ay may close exposure sa kanyang dalawang kasamahan.

Sinabi pa ni Malaya na sa kasalukuyan ang BFP Regional Office ay nagsasagawa ng swabbing at naka-i’quarantine ang lahat ng personnel nito na may contact sa naturang tao.

Nito lang Martes, ang 196 BFP-6 personnel ay sumailalim sa rapid test. Ayon sa Department of Health (DOH) 28 lamang sa 196 ang ipinatest sa RT-PCR (reverse trancription- polymerase chain reaction) at pinayuhang mag-quarantine habang hinihintay ang resulta na lalabas sa Biyernes, Hunyo 19.

Ang BFP-6 Regional Office, at provincial offices gayundin ang fire stations ay inilagay na sa lockdown at pinayuhan na magkaroon ng istriktong sanitasyon at disinfection.