NEWS

Año binalaan ang mga sindikato ng droga: Pagluluwag sa quarantine kaakibat ang pag-igting ng kampanya laban sa illegal drugs

June 3, 2020

Ang pagluwag ng mga quarantine protocol laban sa COVID-19 ay nangangahulugan ng lalong paghihigpit ng pamahalaan sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.

Ito ang mariing babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año sa mga sindikato ng droga habang sumailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at ilang lugar sa bansa.

“Habang lumuluwag na ang quarantine levels sa iba’t ibang panig ng bansa ay siya rin namang paghihigpit ng kampanya laban sa iligal na droga. Pag-iibayuhin ng DILG at PNP (Philippine National Police) ang pagpapanatili ng pagbaba ng kriminalidad sa bansa na dulot ng mas mahigpit na quarantine period,” sabi ni Año.

Ito ang naging reaksiyon ng kalihim sa pag-alerto ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, sa posibleng muling pagbugso ng illegal drug operations bunga ng pagdedeklara ng GCQ.

“Malaki ang epekto ng quarantine sa pagparalisa ng drug syndicates. Dumami rin ang boluntaryong nagbigay ng impormasyon sa pulisya laban sa illegal drug peddlers ngayong panahon ng quarantine. Titiyakin ng DILG at PNP na ang tagumpay sa kampanya laban sa iligal na droga ay mapapanatili upang maligtas ang ating mga kababayan mula sa perhuwisyong idinudulot ng ipinagbabawal na gamot,” pangako ng DILG secretary.

Masayang ibinalita ni Año na ang ilang gumagamit ng mga bawal na gamot ay huminto na dahil sa kawalan ng supply dahil sa quarantine.

“Sana nga tuloy-tuloy nang itigil ng ilang kababayan nating nalulong at nabiktima ng iligal na droga ang paggamit nito. Kung paano kayo nag-iingat at iniiwasang magkasakit ng COVID-19, ganon din sana ang gawin ninyong pag-iwas at paghinto sa paggamit ng droga para maging totally drug-free na kayo,” dagdag pa niya.

“Ipagpatuloy ninyo ang physical distancing sa mga illegal drug pushers. Gamitin ninyo ang inyong pera sa pangangailangan ng inyong pamilya ngayong apektado ang hanapbuhay at ekonomiya dahil sa COVID-19 crisis. Gawin ninyo po itong bagong simula sa inyong buhay na may disiplina,” paghimok ni Año.

Iniulat niya na inatasan niya ang PNP na pigilan ang pagnenegosyo sa bawal na gamot sa lahat ng yugto ng supply chain, mula sa paggawa ng raw materials hanggang sa pagtutulak sa mga lansangan.

Ikinatuwa niya ang napabuting peace and order situation sa pahanon ng quarantine at ang kawalan ng insidente ng looting, ngunit lalo pa niyang idiniin sa PNP na laging pangunahan ang mga masasamang-loob at panatiliin ang pagbaba ng walong focus crimes na murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, car theft, and motorcycle theft.