NEWS

ADVISORY

Año: Krimen bumaba ng 11%, 12K barangays drug-free

July 12, 2019

Sa pangatlong taon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bumaba sa 11 porsyento ang krimen at higit sa 12,000 barangay ang ngayo'y drug-free bunga ng 'participatory governance' at aktibong kolaborasyon sa pagitan ng pamahalaang nasyunal at pamahalaang lokal, mga mamamayan at stakeholders.

“Malaking bahagi kayo sa naging tagumpay ng mas pinaigting na peace and order councils (POCs), anti-drug abuse councils (ADACs) at people’s law enforcement board (PLEB) sa labang tuluyan nang tapusin ang mga problema ng ating lipunan," ani DILG Secretary Eduardo M. Año sa Pre-SONA (State of the Nation Address) forum ukol sa Participatory Governance Cluster (PGC) na ginanap sa Cebu City.

Ipinahayag ni Año na sa tulong at suporta ng mga local based institutions tulad ng POCs, ADACs, at PLEB, "matagumpay na naiakma ng mga law enforcement agency ang kanilang mga operasyon kontra kriminalidad" na nagdulot ng pagbaba ng bilang ng krimen mula 488,644 noong Hulyo 2017 hanggang Hunyo 2018 sa 438,496 sa parehas na panahon noong 2018-2019.

"Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan, napatunayan nating ang pamahalaan ay totoong kumikilos at ang ating mga pagsisikap sa participatory governance ay nagbunga at hindi lamang nauwi sa wala," aniya.

Sa kampanya laban sa iligal na droga, buong pagmamalaking sinabi ng DILG Chief na 12,099 na mga barangay na ang idineklarang drug-free bunga ng suporta at pagbabantay ng mga mamamayan. Katulad nito, ngayo'y mayroon na ring 172 drug-free na mga bilangguan kumpara sa 74 lamang noong 2018 dulot naman nang pinaigting na hakbang ng Bureau of Jail Management and Penology na linisin ang mga piitan sa iligal na droga.

“Nakamit natin ang tagumpay na ito dahil sa pinaigting na operasyon ng ating mga alagad ng batas at sa suporta ng mga mamamayan na siyang pinagmumulan ng mga impormasyon tungkol sa iligal na droga,” aniya.

Higit sa naitalang pagtaas ng bilang ng mga inarestong lumabag sa batas at mga bilang ng barangay na na-clear na sa iligal na droga, sinabi din ni Año na mas nakakita nang makahulugang tagumpay ang pamahalaan "na makita ang mga dating mga pusher at user na ipinagkatiwala ang kanilang kinabukasan sa atin sa pamamagitan ng ating mga programang pangrehabilitasyon."

"Nais naming bigyan ang 1.3-milyong drug surrenderers ng ikalawang pagkakataon sa buhay kaya naman naging aktibo kami sa Balay Silangan Program, at ininstitutionalize ang Community-Based Drug Rehabilitation Program sa lahat ng pamahalaang lokal," aniya.

Si Año, kasama si Department of Budget and Management (DBM) officer-in-charge Janet Abuel, ay nag-present ng mga naisagawa ng PGC sa Cebu sa Pre-SONA forum 2019 na pinamagatang “Tatak ng Pagbabago: Patuloy na Malasakit at Pagkakaisa”. Ang DILG at DBM ang co-chairpersons ng PGC.

Ang PGC ay isa sa anim na mga cluster na binuo ng Pangulo sa pamamagitan ng Executive Order 24 na naglalayong paigtingin ang partisipasyon ng mga mamamayan sa mga proseso ng pamahalaan.

Publiko laban sa mga rebelde

Sa naturang aktibidad, hiniling din ni Año ang suporta ng publiko upang tulungan ang pamahalaan na tuldukan ang 50-taong communist insurgency sa bansa sa pamamagitan ng pagdedeklara sa New People's Army bilang persona non grata at pag-anyaya sa kanila na ibaba na ang mga armas at maging kabahagi muli ng lipunan.

"Tulungan ninyo kaming hikayatin ang mga rebeldeng komunista na ang digmaan ay hindi solusyon sa mga suliranin ng ating bansa. Ang kahirapan, kawalang-katarungan, at korapsyon ay mga karaniwang isyu na kanilang sinasamantala kaya naman sa simula pa lamang ay naging prayoridad na ang mga isyung ito sa ilalim ni Pangulong Duterte na malulunasan sa pamamagitan ng mabuting pamamahala at pagtutuon ng mga hakbang upang mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan,"
aniya.

Batay sa tala ng Task Force Balik-Loob, higit sa 8,300 na ang mga sumukong rebelde sa pamahalaan sa pagtatapos ng 2018. May kabuuang bilang na 2,129 na dating mga rebelde - 1,505 NPAs at 624 Militia ng Bayan - ang nabigyan din ng tulong mula 2018 at 2019 sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Ipinahayag ng DILG Chief na kamakailan ay inilunsad din ng pamahalaan ang Retooled Community Support Program na naglalayong tugunan ang pangunahin at sekondaryang mga isyu sa mga pamayanan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga inisyatibo ng pamahalaan at partisipasyon ng mga mamamayan sa development planning.

“Sa programang ito, ang gobyerno mismo ang bababa sa inyo para makinig at gumawa ng paraan upang maibsan ang mga problema ng inyong mga komunidad. Kaya naman huwag kayong mahiyang sabihin ang inyong mga suliranin dahil magiging matagumpay lamang ito kung magiging bukas kayo at makikipagtulungan sa amin,”
sabi ni Año.