NEWS

ADVISORY

Ang mga pamantasan ay lugar ng iba't ibang pananaw, hindi eksklusibong teritoryo ng isang ideolohiya lamang - DILG

August 22, 2019

Sa paggigiit na ang mga kolehiyo at pamantasan ay off-limits sa mga pulis, hinahadlangan ng mga militant student organization ang karapatan ng bawat mag-aaral na marinig ang magkabilang panig ng isyu, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

"Sinasabi ng mga militant student organization na ang kanilang ideolohiya o pananaw lamang ang katanggap-tanggap at ang anumang pagtatangka na tahasang tutulan ang kanilang diskurso o maghayag ng bagong pananaw ay 'militarisasyon'," ani DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya.

Ipinahayag ng tagapagsalita ng DILG na ang 'di umano'y militarisasyon at martial law sa sistema ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay kathang-isip na pinalala lamang. "Ito ay isang classic Communist propaganda: paggamit sa 'politics of fear' upang ilarawan ang pamahalaan bilang isang mapang-aping halimaw para makuha ang political pogi points mula sa mga mag-aaral at 'pukawin, buuin, at imobilisa' ang sektor ng kabataan," aniya.

Hinamon niya ang militant student organizations ng UP na umagapay sa pagbabago ng panahon at bumuo ng mga bagong slogan, 'para maiba naman'. “Gasgas na ang sigaw na Militarization and Martial Law sa UP. Bumenta na ang mga ‘yan. Digital age na ngayon,” aniya.

Sinabi niyang isang malaking palaisipan kung bakit iginigiit ng mga organisasyon ng militanteng mag-aaral ang 'militarisasyon o Martial Law' gayong wala namang planong gawing kampo ng militar o ng mga pulis ang mga paaralan.

"Ang mungkahi ni DILG Secretary Eduardo Año ay napakalinaw. Ito ay ang ipadala ang mga pulis sa mga paaralan upang magkaroon ng dayalogo at pag-uusap sa mga mag-aaral at tagapangasiwa ng paaralan, hindi para dalhin ang kapangyarihan ng armas kundi ang kapangyarihan ng katotohanan, argumento at kaalaman," aniya.

"Ginagawa natin ang mga school dialogue na ito upang isulong ang kapangyarihan ng tamang katwiran at kaalaman. Mukhang takot sila sa mga ito," aniya.

"Bakit sila natatakot sa ibang mga pananaw? Hindi ba yun ang punto ng academic freedom? Ito ay isa lamang patunay na hindi talaga sila naniniwala sa academic freedom. Ang tangi lamang nilang hangarin ay kontrolin ang diskurso sa mga paaralan upang maipagpatuloy ang kanilang aktibong Communist recruitment," aniya.

Binanggit niya na hindi kayang talikuran ng pamahalaaan ang mga taghoy at pagdurusa ng mga magulang na dumulog sa Senado at nagsiwalat kung ano ang nangyayari sa kanilang mga anak.

"Kailangan naming tugunan iyon. Ito ang mandato at tungkulin natin sa ating mga kababayan. Alam nating lahat na ang mga kabataan ang pangunahing pinaggagalingan ng mga kadre ng NPA. Sila Joma Sison at mga matataas niyang pinuno ay na-recruit noong sila ay nasa kolehiyo kaya naman isa talaga ito sa mga pinagmumulan ng mga bagong miyembro ng kilusang pang-Komunista," aniya.