NEWS

AFP, PNP pinuri sa matagumpay na shootout laban sa 5 NPA na sangkot sa pangingikil at pananakot sa Calabarzon

December 21, 2020

Pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang matagumpay na shootout sa limang matataas na pinuno ng NPA na responsable sa mga pananakot, pangingikil at pangliligalig sa mga lokal na opisyal, negosyante at mga ordinaryong mamamayan sa Calabarzon region.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na kabilang sa mga nasawi sa engkwentro ay isang Rebolusyonaryong Buwis sa Kaaway na Uri (RBKU) staff at NPA regional intelligence officer na aktibong nangangalap ng pondo para sa communist terrorist group (CTG) sa pamamagitan ng extortion at pagbabanta sa mga biktima.

" Mababawasan ang pananakot at pangingikil sa mga local officials at negosyante ngayon nalagasan na naman natin ang bilang ng mga kaaway ng bayan. Congratulations, PNP at AFP sa tagumpay na ito laban sa communist terrorist groups," sabi nito.

Ayon kay Año, ang RBKU unit ang "moneymakers" ng CPP-NPA-NDF, na siyang nangangalap ng milyon-milyon pondo sa pamamagitan ng extortion at pananakot upang suportahan ang armadong pakikibaka sa kabundukan, pondohan ang propaganda, pag-oorganisa at recruitment activities ng mga front organizations sa mga urban areas.

Ayon sa PNP, ang police at AFP units ay patungo upang mag-serve ng warrant of arrest sa isang alias Dads/Darwin, pinuno ng finance staff at Execom member ng NPA’s Sub-Regional Military Area 4A sa kasong frustrated murder nang ang Communist Terrorist Group (CTGs) ay pagbabarilin ang arresting team na nauwi sa isang shootout sa Sitio Malalim, San Juan, Baras, Rizal.

Pagkaraan ng shootout, lima ang natagpuang patay mula sa NPA kasama si alias Sandra, asawa ni alias Luis, secretary ng Guerilla front Cesar, at kasalukuyan ding staff ng SRMA 4A’s RBKU, at isang alias Onli, ang intelligence officer ng grupo.

Tatlo pang NPA members ang napatay sa naturang insidente at kasalukuyang inaalam ang kanilang pagkakilanlan. Nakuha sa naturang crime scene ay dalawang (2) M16 rifles; dalawang (2) cal. 45 pistols; isang (1) Uzi at mga electronic devices at mga subersibong dokomento.

“ Patuloy ang ating layunin na ubusin ang mga CTGs at ma-neutralize ang mga extortion team ng NPA upang mas lalo pang maging puspusan ang pagsisikap ng gobyerno at mga taong nag-tatrabaho tungo sa mapayapang Pilipinas,” sabi pa ni Año.

Sinabi pa nito na ang PNP at AFP ay hindi naging kampante, sa kabila ng mga pag-subok ng COVID-19 pandemic, na nag-resulta sa mga government-initiated encounters, pag-aresto, at pagsuko ng mga NPA members sa mga nakaraan buwan.

“Buo ang loob ng PNP at AFP sa pagsunod sa utos ng Pangulo na protektahan ang mga mamamayan sa mga teroristang ito. Importante ang mga pagdakip at tagumpay na ito sa layunin ng pamahalaan na makamit ang kapayapaan,” sabi nito.

Matatandaan na noong nakaraang mga araw, ang AFP ay nagkaroon ng engkwentro na nag-resulta sa pagkamatay ng apat na NPA members sa ilalim ng Komiteng Larangang Gerilya Mark Anthony Velasco o KLG MAV na kumikilos sa Mindoro.

“Lumiliit na ang mundo ng mga teroristang ito. Habang hindi pa huli ang lahat, sumuko na kayo at talikuran ang inyong baluktot na paniniwala at maling ipinaglalaban,” sabi nito.