NEWS

8k LSIs makakauwi na sa katapusan ng linggo sa ilalim ng ikalawang yugto ng

July 24, 2020

Mahigit sa 8,000 locally stranded individuals (LSIs) ang nakatakdang bumalik sa kanilang mga probinsya ngayong katapusan ng linggo, Hulyo 25-26, 2020, sa pamamagitan ng Hatid Tulong program, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na nananatili ang pangako ng gobyerno na tiyakin na ang mga LSIs ay makakauwi sa kanilang mga lalawigan nang ligtas at maayos. Sinabi niya na 8,408 LSIs ang makakauwi sa ikalawang yugto ng Hatid Tulong program na lumampas sa naunang target na bilang na 4,000 indibidwal.

“Ito ang nais nating malaman ng publiko na ang pamahalaan ay patuloy sa pagtulong sa ating mga LSI at ito ngang Sabado at Linggo, July 25 at 26, ay halos walong libo na ang uuwi sa kanilang mga pamilya sa probinsiya,” sabi ni Año.

Ayon pa sa Kalihim, kasama sa mga makakauwing LSIs ay iyong mga nananatili ngayon sa Philippine Army Gymnasium, Villamor Air Base Elementary School, Manila Science High School, at Ninoy Aquino International Airport. Kasama rin sa pangalawang batch ang mga LSIs na inendorso ng National Commission on Indigenous Peoples, iba pang mga ahensya ng pamahalaan, at mga Local Government Units.

Ipinaliwanag niya na para sa ika-2 yugto ng Hatid Tulong Program, ang mga LSIs ay sasakay sa 120 bus, limang sasakyang pandagat, dalawa dito ay mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at tatlo mula sa Philippine Coast Guard; at sa tren ng Philippine National Railways.

"Gaya ng first batch ng Hatid Tulong noong unang linggo ng July, titiyakin natin na ang ating LSIs ay komportable at ligtas sa mga mode ng transportasyon na inihanda ng pamahalaan para sa kanila," ani Año. Ang returning LSIs ay bibigyan din ng food and non-food aid sa kanilang paglalakbay.

Samantala, ipinaliwanag ni DILG National Barangay Operations Office (NBOO) Director Dennis Villaseñor na ang mga LSIs na nagnanais umuwi sa mga LGU na mayroon pa ring umiiral na moratorium ay hindi pa papayagang bumalik sa kanilang mga lalawigan. Sinabi niya na dadalhin sila sa isang temporary housing facility sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.

“Iginagalang po natin ang ating mga pamahalaang lokal kung saan babalik ang ating mga LSI. Kung sila po ay patungo sa mga LGU na may umiiral pang moratorium ay hindi muna natin sila mapapauwi at pansamantalang dadalhin sa isang maayos na housing facility sa Bulacan,” sabi ni Villaseñor.

Dagdag pa niya, isinasaalang-alang ng pamahalaan ang absorptive capacity ng mga receiving LGU. “Tinitingnan po natin kung puno na ba ang kanilang mga pasilidad, may available pa ba silang test kits na magiging basehan para aprubahan ang request para sa isang moratorium.”

Mahalaga ang kooperasyon ng LGU

Sa isang advisory na inilabas ng DILG kahapon, Hulyo 23, 2020, pinaalalahanan ni Año ang mga LGU sa pag-alis at pagbabalik ng LSIs upang suportahan ang programang Hatid Tulong.

“Ang katotohanan ay ang laban sa COVID-19 ay talagang mas maigting sa mga pamahalaang lokal at barangay kaya naman hinihiling natin ang pakikiisa ng mga LGU sa Hatid Tulong para sa maayos at sistematikong pag-uwi ng mga LSI sa kani-kanilang probinsya,” sabi ni Año.

Ayon sa nasabing advisory, inatasan ng Kalihim ng DILG ang lahat ng mga LGU na makikipag-ugnayan sa kani-kanilang Regional Task Forces at kanilang mga sub-task unit, bago ang pagpapadala o pagtanggap ng mga LSIs.

Ang Receiving LGUs ay dapat ding pahintulutan ang pagdaan ng mga sasakyang naghatid ng mga LSIs sa kanilang sinasakupan, basta mayroon silang medical clearance certification at travel authority. Sinabi din ni Villaseñor na binibigyan ng kalayaan ng mga receiving LGUs upang magsagawa ng PCR o polymerase chain reaction test alinsunod sa mga local health protocols.

Inatasan din ni Año ang mga LGU na maghanda para sa pagdating ng mga LSIs katulad ng transportasyon, reception team, isolation at quarantine facilities, pagbibigay ng pangangailangang medical at iba pa ng mga LSIs habang nasa quarantine, kung kinakailangan.